Si Anjelo Aldea Baybay na mas kilala bilang Jelo ay isang social worker para sa Modified Conditional Cash Transfer o MCCT sa Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad ng Lipunan. Bagama’t siya ang pinakabatang empleyado sa Lungsod ng Taguig sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay marami na siyang nagawa na nagpapatunay ng kanyang kagalingan sa kanyang trabaho.
Si Anjelo ay maagang naulila sa ama. Ang kanyang ina ay nagtatrabaho bilang isang manggagawa sa pagawaan ng tela o damit. Sa kabila ng kahirapan sa buhay, sila ay napalaking may takot sa Diyos. Sila din ay tinuruang mangarap at magtiwala sa sa sarili nilang kakayahan. Ito rin ang dahilan upang siya ay magpursige na makapagtapos ng pag-aaral upang maiahon sa hirap ang kanyang pamilya at maalagaan ang kanyag ina na nagsilbing nanay at tatay sa kanilang magkakapatid.
Siya ay nagtapos ng kursong Bachelor of Science in Social Work sa Unibersidad De Manila noong 2015. Siya ay grumadweyt sa kolehiyo sa pamamagitan ng pagiging iskolar sa Charity First Foundation, Inc. sa loob ng tatlong taon. Siya ay naging sertipikadong manggagawang panlipunan sa parehong taon.
Sa edad na dalawampu ay nagtrabaho siya bilang isang Caseworker sa DSWD sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program simula Agosto 2015 hanggang sa kasalukuyan. Bagama’t ito ang una niyang trabaho, nakitaan na siya ng kagalingan sa pagpapatupad ng programa. Sa katunayan, dalawang taon na siyang nagtatrabaho na walang katuwang na Child Welfare Assistant.
Bagama’t walang katuwang na Child Welfare Assistant ay hindi ito naging balakid upang maayos niyang maisagawa ang mga tungkulin nya. Siya ay kusang nagbibigay solusyon/payo sa mga problemang kinakaharap ng mga benepisyaryo. Naging masigasig siya sa pagpapaintindi sa mga miyembro kung gaano kahalaga ang edukasyon sa mga batang benepisyaryo ng programa. Sinisigurado ni Anjelo na ang lahat ng kanyang mga benepisyaryo ay makakatanggap ng kumpletong cash grant.
Tuwing nagpe-payout ay nakikitaan siya ng mabuting pakikitungo sa kanyang mga benepisyaryo at hindi nakapagtataka na palaging isangdaang porsyento ang turnout ng mga miyembrong kanyang sinusubaybayan.
Naitalaga siya bilang Local Government Unit (LGU) Team Leader simula January 2018 hanggang sa kasalukuyan. Malaki ang naging ambag nya bilang isang miyembro ng City/Municipality Action Team (CMAT) upang makamit ang isang daang porsyento na grado sa CMAT Assessment.
Siya ay tinanghal na pinakamagaling sumagot sa Grievance Redress System (GRS) forms, ang sistema na may layuning maintindihan at mapabilis ang pagtugon sa mga karaingan ng mga benepisyaryo at hindi benepisyaryo ng Pantawid Pamilya.
Batay sa obserbasyon ng mga kanyang mga kasamahan sa Lungsod ng Taguig, si Anjelo ay isang mapagkumbabang tao, tahimik, at may puso at malasakit sa mga kasamahan. Ito ay naipapakita nya sa paraan ng pagtulong kung mayroon nahihirapan sa gawain at pagboboluntaryo sa pagpuno ng mga kakulangan o kailangan sa mga aktibidad. Siya rin ay palaging handa sa mga sitwasyong alanganin ang grupo sa mga ulat at agarang aksyon para maisumite ang iba’t-ibang uri ng ulat sa itinalagang oras.
Isang pagpapatunay ng kanyang serbisyong may malasakit ay ang testimonya ng isang Parent Leader na si Ruth Santilisis mula sa Barangay Wawa. Sa kanyang pagbabalik-tanaw, sinabi ni Santilisis na noong mga panahon na siya ay suko na at nagtangkang magpakamatay, ang simpleng presensya ni Jelo at pagdala sa kanya sa Taguig-Pateros District Hospital para sa pangunang lunas ay lubos na nakatulong.
Ayon pa sa kanya, ang pagsusumikap ni Jelo na magpabalik-balik sa barangay para kausapin ang Violence Against Women and Children (VAWC) hanggang sa maihain ang kanyang kaso sa korte ay napakalaking bagay sa kanya. Laking pasasalamat niya dahil nabuo muli ang pamilya niya at maraming mga pagbabagong naganap sa buhay niya. Nagpapasalamat siya na nagkaroon siya ng caseworker na handang making sa mga problema niya.
Isa pang pagpapatunay ng kanyang serbisyong may malasakit ay base sa kwento ni Perlita Martin, isa ding miyembro ng Pantawid Pamilya mula sa Barangay Sta. Ana. Ayon sa kanya, nag-abot ng pera si Jelo bilang tulong sa kanyang anak na naging biktima ng pang-aabuso.
Hindi lamang tulong pinansyal at serbisyo ang ibinibigay ni Anjelo sa kanyang mga miyembro. Ayon kay Beberino na galing sa Barangay Ususan, maraming bagay ang hindi nya pa nararanasan dahil sa kanyang estado sa buhay. Ang isa sa mga ito ay ang makaranas na bumili at kumain sa fastfood, at kung ano ang mga nakikita sa loob ng mga shopping mall. Laking gulat nila nang ipasyal sila ng mga anak niya ni Jelo sa mall, kumain sa Jollibee at pinamili pa sila ng grocery nito. Sobrang saya at laking pasasalamat niya dahil sa pamamagitan ni Anjelo. Hindi lamang sa mga problema siya nito natulungan. Bagkus ipinararamdam nito sa kanila na kahit sino ka man, mahirap man o mayaman ay may karapatan sumaya.
Ayon pa sa Parent Leader na si Gng. Mercado, sa kabila ng lahat na pinagdaanan sa buhay at pagkalugmok nila sa kahirapan, si Anjelo ang nagsilbing timon niya upang makabangon. Dahil kay Anjelo ay maraming oportunidad ang nagbukas para sa kanya, gaya na lang ng nakapag-enroll siya bilang masahista sa St. Francis of Assisi at siya ay nakapagtapos at nakasuot ng toga. Natutunan niya na ang sertipiko na kanyang natanggap ay ang magiging sandata niya upang bumangon ulit sa buhay. “Masarap sa pakiramdam na mula umpisa hanggang makatapos ako ay may isang tao na gumabay sa akin upang magkaroon ng magandang kinabukasan, kaya hindi ako sumuko, ” sabi ni Gng. Mercado.
Si Anjelo ay nakitaan ng pagmamalasakit sa kanyang kapwa sa pamamagitan ng pagtulong ng walang hinihinging kapalit o kondisyon. Siya ay nagsumikap na mapasaya at mapagaan ang kalooban ng mga taong kanyang natutulungan.
Ayon kay Anjelo ang pinakamalaking hamon sa kanya bilang isang caseworker ay kung paano siya magiging instrumento para sa pagbabago o ikakaunlad ng mga miyembro ng programa. Ang hamon na ito ay hindi naging hadlang para magampanan niya ang kanyang tungkulin. Sa halip, ito ang kanyang naging kalakasan upang mas matulungan ang mga benepisyaryo ng programa.
Si Anjelo ay naniniwala na hindi importante kung malaki o maliit ang nagawa o naitulong mo sa isang tao. Bagkus, ang mas mahalaga ay kung papaano ka naging isang inspirsyon at naka-impluwensiya sa kanila upang sa darating na panahon ay sila naman ang tumulong sa iba.