Si Bb. Kristine Grace D. Ma ay isang City Link at kasalukuyang Municipal Action Team Leader sa Pateros. Isa siya sa mga kawani ng gobyerno na tumutugon sa mga pangangailangan ng mga mahihirap na pamilyang naninirahan sa limang barangay na kaniyang pinaglilingkuran. Si Bb. Ma ay limang taon nang naglilingkod sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development.
Isa siyang huwarang manggagawang panlipunan na mayroong malasakit sa pagbibigay serbisyo sa mga nangangailangan. Ayon sa kanya, “Mahirap at masaya ang pakiramdam na maging parte ng isang programang gumagabay at tumutulong sa mga mahihirap na pamilya. Maswerte ako na mayroon akong natutulungang mga tao. Yung kahit sa maliit na paraan ay nakatulong ako para kahit paano ay may nalutas na problema sa isang pamilya. Kahit iba-iba ang kanilang pag-uugali na kung minsan ay sinusukat na ang aking pasensya, masaya pa rin akong nakakasama sila lalo na sa buwanang sesyon namin sa Family Development Session dahil alam kong may naibahagi ako sa kanila na karagdagang kaalaman.”
Ang maagap na pagtugon sa mga pangangailangan ng mga miyembro ay hindi madaling gawin. Ngunit para sa isang manggagawang katulad niya, ang lahat ng pangangailangan ay may karampatang aksyon at solusyon. Siya ay naniniwala na ang bawat isa ay may karapatan sa lahat ng serbisyong mayroon ang ating bansa. Ngunit may mga pagkakataon na hindi nila ito nakakamit dahil sa kakulangan sa oportunidad kung kaya’t bilang isang manggagawang panlipunan na mayroong kakayahan ay pinagbubutihan nya ang kanyang trabaho upang umangat ang antas ng buhay ng mga miyembro na higit na nangangailangan.
Ang kanyang prinsipyo ay sumasalamin sa mga matagumpay na resulta sa mga pamilyang kanyang natutulungan sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad at inisyatibo, tulad ng pagsasagawa ng Family Development Session (FDS).
Ang FDS ay isa sa mga pangunahing kondisyon ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na isinasagawa isang beses sa loob ng isang buwan. Ang pangunahing layunin nito ay mapataas ang antas ng kaalaman at kamalayan sa buhay ng mga miyembro ng programa sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga mahahalagang impormasyon na maaari nilang magamit sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Ayon sa mga miyembro, si Bb. Ma ay nagsasagawa ng malikhaing FDS na kung saan ang mga benepisyaryo ay aktibong nakikiisa sa mga gawain. Kung minsan ay nakikipag-ugnayan siya sa iba’t-ibang ahensya upang magbigay ng mas kinakailangan na kaalaman para sa bawat pamilya gaya na lamang ng paksa ukol sa Entrepreneurship.
Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay kumpletong nakakadalo ang mga benepisyaryo sa FDS kung kaya’t si Bb. Ma ang personal na bumibisita sa mga pamilyang “non-compliant” pagkatapos ng sesyon upang malaman ang dahilan ng hindi pagdalo. Sa kanyang pagdalaw ay nag bibigay din siya ng paalala at nagsasagawa ng “one-on-one FDS” upang mapataas ang pagsunod ng mga pamilya sa mga kondisyon ng programa.
Isa pang tungkulin na ginagampanan ni Bb. Ma ay ang regular na pagsubaybay sa mga batang benepisyaryo na nag-aaral at nagpapakonsulta sa mga Health Center para sa pagpapanatili ng mabuting kalusugan. Siya ay naggagabay sa mga batang mag-aaral sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan sa mga School Focal Facilities at ang maagap na pagbibigay ng resolusyon sa mga espesyal na kaso ng mga batang may problema sa pag-aaral gaya ng madalas na di pagpasok sa pamamagitan ng regular na pagbisita sas eskwelahan.
Naging matingkad din ang ginampanang gawain ni Bb. Ma na matulungan ang isang estudyante na makapasok muli sa eskwelahan. Ang pakikipag-usap sa lahat ng mga guro at principal ang naging susi upang muling tanggapin ang bata sa Maria Concepcion High School. Naging bahagi rin ng kanyang ginampangang gawain ang patuloy na pagmonitor sa bata kung ito ay tuloy-tuloy na pumapasok.
Hindi rin lang sa paaralan natatapos ang gawain ni Bb. Ma. Siya rin ay pakikipag-ugnayan sa mga Focal Health Facilities at nag-eendorso sa mga pamilya sa mga pag-aaral na ayroon ang mga Tanggapang Pangkalusugan. Kung kaya’t ang mga miyembro ay aktibong nakikiisa sa mga pag-aaral gaya na lamang ng “HOPE Caravan” sa kanilang mga Barangay. Sa pamamagitan ng sapat na pagtugon ng manggagawa sa kaniyang tungkulin, ang mga miyembro ay napataas ang kakayahan na matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga anak. Natuto silang makipag-usap sa mga guro at manggagawa sa mga health center. Sa kasalukuyan ang mga miyembro ay patuloy na umaangat sa usaping pagiging responsible sa pamilya at maging sa kanilang sarili.
Ang regular na pagbisita sa mga miyembro ay isa rin sa mga pangunahing tungkulin ng manggagawa. Dito niya nalalaman ang estado ng bawat pamilya at maagap niyang narerespondehan ang manggagawa kung may agarang problema. Isa sa mga problemang kanyang kinaharap ay ang pagkakasangkot ng isang anak ng miyembro sa cybersex. Dahil sa kanyang tulong ay agad na naaksyunan ang issue.
Bilang isa Municipal Action Team Leader ay nakikipag-ugnayan rin siya sa LGU at sa iba’t ibang ahensya upang matulungan ang miyembro na makaranas ng Skills Training na makapagbibigay sakanila ng oportunidad magkaroon ng trabaho. Siya ay nagrerekomenda sa Local Government Unit na isama ang Parent Leaders sa iba’t-ibang training at seminar na mayroon ang Munisipalidad ng Pateros at iba pa. Isa sa mga training na ito ay mula sa Ricky Reyes Salon na para sa mga kababaihang miyembro ng Pantawid.
Malaking tagumpay ni Bb. Ma ang mairekomenda ang malaking bilang ng kaniyang miyembro sa Sustainable Livelihood Programs and Services ng DSWD. Nabigyan ng pagkakataon ang mga benepisyaryong may kakayahan na kanilang mapalago ang kanilang abilidad o kakayahan sa pamamagitan ng Skills Training na mayroon ang programa. Mahigit kumulang na tatlumpung kalalakihan at kababaihang miyembro ang nakatapos ng Basic Welding at Electrical sa Tesda sa tulong ng SLP na sa ngayon ay may kanya-kanya ng trabaho.
Isa sa mga nakakahangang katangian ni Bb. Ma ang pagkakaroon niya ng inisyatibang gumampan ng gawain na labas sa pagiging empleyado niya sa DSWD. Siya ay nakikiisa din sa mga gawain sa LGU ng Pateros katulad ng pagtulong sa aktwal na payout sa Cash for Work, kung saan siya ay inabot ng hanggang alas-dose ng madaling araw sa pagtulong ng pag-aayos ng DTR at attendance ng mga tao. Kahit Sabado ang naitakdang araw ng aktwal na payout ay pumapasok siya upang tumulong. Mula dito ay nasisiguro niya na natatanggap ng mga miyembro ng programa ang kanilang mga kailangang serbisyo.
Si Bb. Kristine Grace D. Ma ng manggagawang panlipunan ay isa sa mga hindi matatawarang serbisyong may malasakit. Ang patuloy nyang paglilingkod na may puso isang bagay na magsisilbing gabay sa patuloy na paghahatid serbisyo sa ating mga kababayang nangangailangan. Ang kanyang kaalaman ay hindi niya ipinagdadamot. Nagsisilbi rin siyang tagagabay sa kaniyang mga kasamang manggagawa. Ang mga manggagawa ng Pateros ay saludo sa kanyang maayos at patas na pagtrato sa komunidad.
“Ang pagtulong ay kusang ibinibigay. Ang kaalaman ay nararapat na maibahagi. Hindi natin dapat ipinagdaramot ang kung ano ang meron tayo. At huwag rin tayong kuntento sa kung ano lang ang pwede nating maibahagi sa mga nangangailangan. Hindi matutumbasan ng anumang materyal na bagay ang kasiyahan na makatulong sa kapwa. Naniniwala rin ako na sa ikatatagumpay ng isang gawain, wala dapat kumpetisyon bagkus lahat ay sabay-sabay na umaangat,” sabi ni Bb. Ma.