Bago maging miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay masasabing simple ang pamumuhay ni Magdalena Flores ng Marikina, apatnapung taong gulang. Ang kanyang asawa na si Noel Flores, limampung taong gulang, ay nagtatrabaho sa isang security agency at siya ang pangunahing kumikita para sa kanila. Samantala, si Magdalena naman ay isang pastoral ministry volunteer at nagiging guro din siya sa daycare ng kanilang simbahan.
Dahil ang kanyang asawa lamang ang kumikita para sa kanilang pamilya ay naranasan nila ang kapusin. Hindi sapat kung minsan ang kinikita ni Noel para sa pang-araw-araw na gastusin ng kanilang pamilya.
Dahil sa problemang pinansyal ay ninais ni Magdalena na mapabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Nagkaroon ng unang ebalwasyon sa kanilang barangay ang Department of Social Welfare and Development para sa Listahanan, isang sistema para sa mga nakalap na impormasyon upang matukoy kung sino-sino at kung saan makikita ang mga maralita sa buong bansa. Sa pamamagitan ng Listahanan ay natutukoy din kung sino ang napapabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Sa kasamaang palad ay hindi sila napabilang sa unang bisita ng DSWD.
Pero sa awa ng Diyos, nagkaroon ng pangalawang pagkakataon upang sila ay masama sa programa. Nagkaroon ng pagpupulong sa Marikina Sports Center at doon na rin sila hiningan ng dokumento. Umabot ng ilang buwan ang kaniyang paghihintay para malaman ang resulta.
Nagkaroon ng magandang bunga ang kaniyang paghihintay dahil sa pinadalhan siya sulat galing sa barangay at siya ay iniimbitahan para magpunta sa kanilang tanggapan na siyang patungkol sa programa. Binigyan siya ng listahan ng mga kakailanganin at kailangan maipasa sa lalong madaling panahon. Buwan ulit ang kanilang hinintay bago maipatawag ulit para mabigyan ng kasunduan at masasabi na sila ay talagang kasama na sa programa. Nagkaroon ulit ng pulong sa Ilaw Covered Court sa Barangay Tumana at dito na pinakilala ang mga City Link at pagbibigay ng kanilang mga identification card.
Taong 2012 nang opisyal na silang napabilang sa programa at siya ang napiling maging Parent Leader sa kanyang grupo.
Hindi naging madali ang kanyang naging karanasan bilang isang Parent Leader. Nahirapan siyang puntahan ang kanyang mga miyembro dahil malayo ang kanyang tirahan sa mag ito. Dahil sa kawalan ng telepono ng ilan niyang miyembro ay naging hamon din ang pagbibigay impromasyon sa mga ito. Upang malutas ang problema ay matiyaga niyang pinupuntahan ang mga miyembro isa-isa para masigurado na makakarating sila sa kanilang Family Development Session at iba pang pagpupulong. Palagi rin niyang sinisigurado na makakarating ang mga miyembro sa kanilang Health Center para masubaybayan sila at masigurado na natitimbang ang kanilang mga anak.
Kahit na naging abala siya sa kanyang mga responsabilidad bilang isang Parent Leader ay hindi nya pa rin napapabayaan ang pagiging volunteer sa kanilang simbahan.
Naging mas responsable din siya sa paghawak ng pera. Kapag may natatanggap na tulong pinansyal ay pinagsusumikapan na itabi, hindi gastusin at hindi isinasama sa budget sa pang-araw-araw na gastusin. Natuto siyang pagkasyahin kung anuman ang mayroon sila at inilalaan ang kanilang naipon para sa malaking gastusin, halimbawa na lamang ng matrikula ng kanyang mga anak.
Pumunta siya sa Department of Social Welfare and Development upang magtanong kung paano makapasok ng trabaho sa ahensya. Ilang linggo matapos magsumite ng kanyang biodata ay tinawagan siya at iniimbitahan siya upang mag-exam at interview para sa posisyon ng Social Welfare Assistant.
Noong Setyembre 1, 2015 ay natanggap siya bilang isang Social Welfare Assistant. Bago siya mag-apply sa DSWD ay nagkaroon sila ng kasunduan ng kanyang City Link na kusa siyang aalis sa programa kapag siya ay natanggap sa trabaho.
Pinag-isipan niyang mabuti kung tuluyang na niyang bibitawan ang pagiging benepisyaryo dahil nahirapan din siya sa paggawa ng mga papeles. Kakaunti din ang kanyang kaalaman sa computer.
Nawala ang kanyang pag-aalinlangan nang sa katagalan ay natutunan din niya ang maayos na paggampan sa kanyang trabaho. Nakabuo rin siya ng desisyo at noong Disyembre 2015 ay nagpasa siya ng waiver form at kusa siyang umalis sa programa.
Sa kasalukuyan ay tatlong taon niya sa kanyang trabaho. Ang kanyang mga anak naman ay panasa mabuting kalagayan at ilan sa mga ito ay patuloy na nag-aaral. Ang kanyang panganay na si Allyza Mae ay nakapagtapos na ng pag-aaral sa kursong Bachelor of Science in Accountancy. Si Clint Khyezel, ang kayang pangalawang anak, ay kasalukuyang nasa ikatlong taon ng kolehiyo sa kursong Bachelor of Science in Business Administration. Ang kanyang bunsong anak na si Marchie Khrystal, labing walong taong gulang ay kasalukuyang nasa unang taon ng kolehiyo sa kursong Bachelor of Science in Accountancy. Inaasam niyang makapagtapos sa pag-aaral ang lahat ng kanyang mga anak para hindi maranasan ang hirap ng buhay.
Napamahal na siya sa kanyang trabaho at lalo na ang paglilingkod sa benepisyaryo dahil sa alam niya ang pinagdaanan ng mga ito. Malaki pa rin ang pagbibigay niya ng panahon sa mga miyembro ng programa. Sinisigurado niya na kapag uuwi ang mga benepisyaryo ay uuwi sila na naintindihan ang mga pinaliwanag at kuntento sila sa kanilang mga nalaman.