Ang buhay ay maihahambing natin sa isang mahabang pakikipagsapalaran. Ito ay puno ng mga pangyayari na maaari tayong dalhin sa maraming lugar at sitwasyon. Madalas ay mga pagsubok at suliranin ang ating nararanasan sa ating buhay. Ngunit ang mga hamon na ating kinakaharap ay maaari ding maging instrumento ng ating tagumpay, kung tayo ay patuloy na lalaban at hindi susuko.
Si Mergelen S. Lunzaga, 40 taong gulang, isang Aeta/Igorot mula sa probinsya ng Isabela, ay hindi estranghera sa pakikipagsapalaran. Sa murang edad ay naranasan na niya ang hirap na buhay. Lumaki siya sa Girls Home ng Boystown Complex dahil maagang namayapa ang kanyang ina dahil sa cancer.
Pinasok niya ang ibat-ibang trabaho at mga scholarship upang mapag-aral ang kanyang sarili. Nagbunga naman ang kanyang mga pagsisikap sa katagalan. Nakapagtapos siya ng Bachelor of Science in Education sa kolehiyo. Ikinasal siya at nagbunga ito ng limang supling.
Ngunit hindi niya akalaing mag-isa niyang bubuhayin ang kanilang mga anak dahil iniwan siya ng kanyang asawa. Dahil sa isa na siyang Solo Parent, mas naging mahirap sa kanya ang buhayin ang kanyang mga anak. Ngunit hindi pa rin sya natinag at sumuko sa buhay bagkus aynagsilbing inspirasyon ang kanyang mga anak na mas magsumikap pa siya. Upang patuloy na maitaguyod ang kanyang sarili at ang kanyang mga anak ay pinasok niya ang pangangalakal.
Taong 2013 nang siya ay napabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Ang programa ay naging isa sa mga paraan upang matugunan niya ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya. Ayon sa kanya, tuwing natatanggap niya ang cash grants ay talagang inuuna niya ang mga project ng kanyang mga anak sa halip na mamasyal at kumain sa labas. Ihinahatid niya kanyang mga anak, umulan man o umaraw, makapasok lamang ang mga ito sa paaralan.
Isa pa sa mga naging benepisyo ng programa ay ang pagiging parte niya noon sa Cash for Work na naging instrumento din upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Nang lumaki-laki na rin ang kanyang bunso ay nabigyan na siya ng pagkakataon na makapaghanap ng permanenteng trabaho.
Dahil sa sarili niyang inisyatibo ay nagtungo siya sa Department of Social Development and Welfare upang mag-apply. Sa kabutihang palad ay natanggap siya sa posisyong Child Welfare Assistant. Malaki ang kanyang pasasalamat na sa wakas ay meron na siyang trabaho/
Ayon kay Mergelen, ang kanyang pagseserbisyo sa programa ay isang paraan upang masuklian niya nag pagiging parte nito noon. Dahil naranasan niyang maging isang benepisyaryo, sinusubukan niya sa abot na kanyang makakaya na makapagbigay ng maayos na serbisyo at impormasyon sa mga benepisyaryo na maaring makatulong sa kanila upang makaahon kahit papano sa buhay. Isa sa mga gawain ng programa na talagang kinasisiyahan ay ang pagsasagawa ng children’s activity. Dahil sa malapit sa kanyang puso ang pagtututuro, malugod niyang ginampanan ang kanyang tungkulin.
Hindi tumigil si Mergelen upang tuloy-tuloy na mapabuti ang buhay ng kanyang pamilya. Sa kanyang pag-pupursige ay naging isa siyang Child Welfare Assistant na may contractual status mula sa pagiging isang empleyado na MOA (Memorandum of Agreement).
Sa kasalukuyan ay mag-isa niya pa ring tinataguyod ang kanyang limang anak na sina Stephany, 17 taong gulang, Cyrel na 16 taong gulang, Sofia na 14 taong gulang, Sargon, 12 taong gulang at ang kanyang bunsong si Salgei, sampung taong gulang. Isa pa ng mga pagsubok na kanyang pinagdaanan ay ang pagkakaroon ng dyslexia ng isa niyang anak. Hirap itong magbasa at matuto. Pero sa dahil sa kanyang pagtitiyaga at pakikipag-usap sa mga teacher nito tungkol sa kondisyon ng kanyang anak ay tuloy-tuloy ang pag-aaral nito.
Patuloy siyang nangangarap hindi lamang para sa kanya kundi pati sa kanyang mga anak. Pangarap niyang makatapos ang mga ito at maging permanente na rin sa kanyang trabaho pagdating ng panahon. Isa pa sa pinapangarap niya ay ang ang makakuha ng Master’s Degree at magkaroon ng lisensya sa pagtuturo.
Isa sa mga gusto niyang iparating sa mga benepisyaryo ng programa ay ang yakapin nila ito ngunit huwag umasa dito ng sobra-sobra. Hinikayat niya ang mga ito na gamitin ang mga oportunidad na inilalaan ng gobyerno at gamitin ang kung ano mang kakayanan ang meron sila upang malinang ang mga sarili at sa kalaunan ay makaahon din sa kahirapan. Hangad din niya na mas tumatag, mapalawig at maisabatas pa ang programa dahil naniniwala siyang marami ang matutulungan dito.
Tunay nga na sa kanyang sariling pagpupursigi sa buhay at sa tulong na rin ng programa ay nalampasan niya ang ibat-ibang pagsubok na naranasan niya sa buhay. Ang kanyang buhay ay puno man hirap na kanyang mga naranasan, ang kanyang mga luha sa mga hinarap na pagsubok ay naging simbolo kanyang katatagan. Sa bawat araw na siya ay nabubuhay patuloy siyang nakikibaka sa mga hamon ng buhay dahil hangga’t siya ay nabubuhay pa, hindi pa tapos ang laban.