Dating naninirahan sa gilid ng riles ng tren sa bayan ng Malabon ang pamilya ni Ginang Hermilyn Pagsiguiron Berdera, 49 taong gulang. Noong 2005, inilipat ang pamilya sa kanilang bagong tahanan sa Bayan ng Valenzuela sa Morning Ville sa ilalim proyekto ng National Housing Authority (NHA).
Hindi naging madali ang buhay nina Hermilyn sa bago nilang tirahan. Lote lamang ang nailaan para sa kanila, kung kaya’t sa isang maliit na “tent” na lang natutulog ang buong pamilya. Tiniis ng pamilya ang init ng araw sa umaga, at ang putik at baha naman sa gabi sa tuwing umuulan.
Sinikap ng ni Hermilyn at ng kanyang asawa na si Ziolo na makapagpatayo ng bahay para sa kanilang pamilya sa kabila ng kahirapan. Habang si Hermilyn ay nagtitinda ng mga ihaw-ihaw ay siya naming pagtatrabaho ng kanyang asawa sa isang malapit lamang na construction sa kanilang lugar. Ang kinikita ng mag-asawa ay pinagsasama nila at paunti-unti ay makapag pagawa ng kanilang bahay.
Taong 2008 nang magbigay ng ayuda ang Munisipyo ng Valenzuela sa pamilya ni Hermilyn. Nagbigay ang pamahalaan sa bawat pamilyang nailipat sa lugar ng panimulang materyales para sa pagpapatayo ng kanilang mga bahay.
Ngunit sa di inaasahan ay nagkasakit ang ama ng kanilang tahanan. Naging lalong mahirap sa pamilya na matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Tumagal sa pagamutan ang asawa ni Hermilyn at noon taong 2010 ay pumanaw ito dahil sa pagkakaroon ng pagbara sa daluyan ng puso na siya nitong ikinamatay.
Ayon kay Hermilyn, ang pagkawala ng kanyang asawa ay maihahalintulad niya sa isang ibon na naputulan ng isang pakpak. Naging malaking dagok sakanya ang mga pangyayari. Ngunit hindi siya sumuko at ito ay kanyang npagtagumpayan.
Isang biyayang maituturing ni Hermilyn noong siya ay na-interview at napabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program noong 2014. Dalawang bata sa kanyang pangangalaga ang napasailalim sa programa: ang kanyang apo na si Nissyzoila Berdera na nasa kinder at ang kanyang bunsong anak na si Reynan na noon ay nasa grade 8.
Malaking ginhawa ang naibigay ng programa sa kanilang pamuuhay. Nakatulong ito sa gastusin sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan, sa edukasyon ng kanyang anak at maging sa pambili ng vitamins ng kanyang apo. Ang kanyang anak na pangalawa na si Raquel naman ay nagtratrabahao sa isang kompanya sa Valenzuela upang makadagdag na matugunan ang kanilang mga gastusin.
Lumipas ang mga taon, unti-unting nagkaroon ng kanya-kanyang pamilya ang mga anak ni Ginang Hermilyn at nagkaroon siya ng pitong apo. Tanging ang kanyang dalawang anak na hindi pa nagkakapamilya ang naiwan. Pinili ng mga anak ni Ginang Hermilyn ang manirahan pa rin kasama ang kanilang ina at magsama-sama sila sa iisang bubong. Kahit ganito ang kanilang sitwasyon ay isinasalarawan pa rin ni Ginang Hermilyn na masaya ang kanilang pagsasama sa kanilang munting tahanan. Nagtulungan ang mag-anak hanggang sa naipagawa nila ang kanilang bahay at napalagyan na rin ng aircon.
Ang Family Development Sesssion o FDS na isinasagawa sa ilalim ng programa isang beses sa isang buwan ay lubos na nakadagdag sa kaalaman ni Hermilyn. Ayon sa kanya, naging isang mas mabuti siyang magulang dahil dito.
Sa ngayon ay masaya na si Ginang Hermilyn kasama ang kaniyang pamilya. Siya ay umalis na sa programa dahil kaya na niya na matugunan at maitaguyod ang kanilang mga pangangailangan sa kabila ng sila ay wala na sa loob ng Program ng Pantawid Pamilyang Pilipino.
Ipinapaabot ni Hermilyn ang lubos na pasasalamat sa programa dahil sa malaking tulong nito sa kanilang pamilya. “Kakayanin din nilang makatawid, basta’t sila ay patuloy na lumaban,” payo niya sa ibang pamilya na nasa ilalim pa rin ng programa.