Si Charita L. Nacinopa ay naitalaga bilang City Link ng Brgy. Bagbaguin Valenzuela City noong taong 2015. Siya ay isinasalarawan ng mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa kanilang lugar bilang isang masipag, maalalahanin, matiyaga, maunawain at masayahin na tao. Nagsilbi din siyang inspirasyon sa mga miyembro ng programa dahil sa kanyang dedikasyon sa kanyang trabaho.
Tuwing nagsasagawa ng Family Development Session (FDS) sa kanilang lugar ay masigasig na inaalam ni Charita, o mas kilala bilang Ma’am Charie ang estado ng bawat miyembro. Kanyang sinusubaybayan kung pumapasok ba sa eskwelahan ang mga anak ng mga benepisyaryo at kung nagpapacheck-up ang mga ito sa Health Center.
Tinututukan din ni Ma’am Charie ang mga miyembro na madalas lumiban sa pagdalo sa mga FDS, ayon sa Parent Leader na si Cecile M. Dayag. Isang halimbawa nito ay ang pag-home visit nito sa isang member na madalas hindi dumalo sa FDS. “Dahil sa pagbisita ni Ma’am Charie ay napag-alaman niya na gumagamit pala ng ipinagbabawal na gamot ito at napapabayaan na ang mga anak,” sabi ni Cecile.
Naaalala din ni Cecile kung paano matapang na pumasok si Ma’am Charie sa madilim na kwarto kung saan nakatira ang sinasabing member. Masinsinang kinausap niya ang miyembro na drug user at pinayuhan ng mga dapat gawin. Ito rin ay kanyang binigyan ng warning letter of first offense sa hindi pagsunod sa mga kondisyon na inilatag ng programa. Dahil sa pagbisita ng City Link ay nangako ito na aayusin ang sarili at ang pamilya. Simula noon ay dumadalo na sa buwanang FDS ang dating drug user na miyembro.
“Dahil sa pagbisita ni Ma’am Charie, marami ang namulat at nagkaroon ng positibong pagtingin sa Pantawid Pamilya Program sa aming lugar,” kwento ni Cecile.
Nagpakita din ng angking kasipagan si Charita nang mapili ang anak ni Cecile na si Bea Cassandra Dayag bilang kinatawan ng Valenzuela para sa Regional Search for Pantawid Pamilya Exemplary Child noong nakaraang taon. Ayon kay Cecile, hindi man nanalo ang kanyang anak ay panalo siya sa suporta na binigay ni Charie dahil lahat ng kailangan nito ay tinugunan ng City Link.
Wala ring sawa si Charie sa pagtuturo at pagpapaalam ng iba’t ibang impormasyon at mga serbisyo ng Department of Social Welfare and Development at ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program para sa mga members nito at sa iba pang mga nangangailangan. Ipinaparating niya sa mga miyembro ang impormasyon ukol sa mga libreng pagsasanay tulad ng Bread and Pastry making.
Lubos ang pasasalamat ng mga Parent Leader at mga miyembro na natulungan ni Charie sa kanyang trabaho. Hindi rin nila makakalimutan ang mga pagkakataong ipinakita na ang kanyang pagmamalasakit ay hindi lamang dahil sa trabaho nito, kundi dahil na rin sa taos-puso nitong pagbibiggay at pagtulong sa mga nangangailangan.
“Nakaka-inspire gumawa na alam mong may naitutulong ka at alam mong may epekto sa buhay ng ibang tao ang mga nagagawa mo,” ito ang pahayag ni Charita.