Tuwing kinakaharap ang mga problema, madalas nating naiisip na ang mundo ay walang kulay; ito ay masalimuot at walang awa. Iniisip natin na ang hirap na ating dinaranas ay isang parusa na hindi natin maaaring takasan.
Ngunit para kina Cesarilyn L. Neones, apatnapu’t tatlong taong gulang at kanyang asawa na si Bernardo Neones, apatnapu’t dalawang taong gulang, ang kulay ng ating mga buhay batay sa kung paano ang ating pananaw at kung paano natin kakayanin ang iba’t ibang hamon ng buhay.
Hindi madali ang buhay ng mag-asawa kasama ang kanilang limang anak bago sila napabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Bago mapabilang sa programa, ang tangi lamang nilang pinagkikitaan ay ang maliit na sahod ng kanyang asawa na pinagkakasya nila sa pang araw-araw. Ngunit, kahit gaano pa man ang kanyang pilit na pagkasyahin ito ay patong patong parin ang knailang utang, kaya’t madalas ang sahod ng kanyang asawa ay naipapambayad lamang sa utang. Tunay nga na hindi naging madali para sa pamilyang Neones ang kanilang buhay ngunit ang akala niyang wala ng pag-asang estado sa buhay ay ngayoy magkakaroon ng mas marami pang kulay.
Sa isang sulok ng kanilang maliit na tahanan siya ay na-interview ng mga kawani ng Department of Social Welfare and Development at napabilang sa pangatlong batch ng programa.
Nang siya ay naging parte na ng programa ay binabudget niya ng maayos ang mga cash grants na nakukuha niya. Dahil sa kanyang pagiging masinop sa pera, dahan-dahan syang nakaipon at ginamit nya itong pampuhunan ng maliit na tindahan at nakapag pundar sya ng tatlong piso net sa tulong na din ng kanyang pamilya. Ang bawat tubo ng kanyang tindahan ay ginagamit niya na pang baon sa kanyang mga anak sa pang araw-araw. Bilang isang mapagmahal at maarugang ina, lagi niyang sinisiguro na may baon at pagkain ang kanyang mga anak bago ito umalis. Sa kanyang pagiging maingat sa pera ay nakapag pundar din sila ng kanilang sariling bahay. Ngayon, hindi na sila umuupa ng bahay at mas malaki na ang kanilang espasyo.
Isa pa sa pinagpapasalamat ni Cesarilyn sa programa ay ang ppagkalinang ng talento ng kanyang anak sa pag drawing. Sabi pa niya, “Kung hindi dahil sa mga grants na natatangggap pko, hindi malilinang ang talent ng anak ko sa pag-drawing”. Naging masipag at malikhain naman ang kanyang anak sa pag ensayo at ngayon ay pinagmamalaki ni Gng. Cesarilyn ang mga gawa ng kanyang anak.
Nakapagtapos si Gng. Cesarilyn ng Bachelor of Elementary Education, kung kaya’t ginamit niya ito upang makapag-apply ng trabaho. Mas swerteng nakapasok siya sa DSWD at nagsimula sya bilang enumerator ng NHTSU sa loob ng isang taon. Pagkatapos noon ay nag apply siya sa programa sa kagustuhan na ring makapag bahagi ng kanyang oras at kaalaman sa mga kasapi ng programa. Sa ngayon, siya ay isang Child Welfare Assistant. Ayon sakanya, gusto niyang maibalik ng lahat ng natulong sa kanya ng programa, kung kaya’t maayos niyang ginagampanan ang kanyang mga tungkulin at responsibilidad dito.
Ngayon, ang kanyang limang anak ay malalayo na ang narating dahil sa programa. Si Cristobal (19 taong gulang) ay magtatapos sa ICCT ng kursong programing. Ang kanyang pangalawang anak na si Bart (18 taong gulang) ay magtatapos na rin ng K12 ngayong taon at nakapag enroll nang kursong Criminology. Ang kanyng pangatlong anak na si Bernard, 16 taong gulang ay graduating din ng 4th year. Ang sumunod na si Carl, 13 taong gulang ay 1st year high school habang si Melody na 10 taong gulang ay Grade IV. Patuloy niyang sinusubaybayan ang pag-aaral ng kanyang mga anak at ibigay ang pangangailangan ng mga ito sa abot ng kanyang makakaya. Nagpapasalamat naman siy sa Diyos at nabiyayaan siya ng mga anak na masisipag, matiisin at hindi rin natitinag sa mga hamon ng buhay.
Marami pang mga pangarap na gustong matupad sa buhay si Cesarilyn at isa sa mga ito ay ang makapagtapos ng pag-aaral ang kanyang mga anak at makapag simula ng negosyo ulit. Naniniwala sya na sa patuloy na pagsisikap, pagtatiyaga, at pananampalataya sa Dios ang kanyang magiging sandata para maisakatuparan pa ang kangyan mga pangarap sa buhay.
Ang kanyang tanging mensahe sa mga iba pang benepisyaryo ay ang isipin ng maayos ang bawat sentimo na gagastusin dahil ito ay tulong ng gobyerno. Dagdag pa niya ay dapat maging layunin ng bawat benepisyaryo na umunland ang kanilang mga buhay.
Puno ng pasasalamat si Cesarilyn sa patuloy na pagtulong ng programa sa mga tao at ngayon siya ay nakaka-ambag na rin dito. Hangad din niya na mapalawig at marami pang matulungan ang programa. Sabi pa niya, “Ang Pantawid Pamilya Pilipino Program ang isa sa mga unang hakbang upang makatawid sa kahirapan”.