Ang pagmamalasakit ay isang katangian na ipinakikita at ipinararamdam ng isang indibidwal sa kanyang ginagawa sa para sa pamilya, kapatid, kaibigan, kapitbahay, at sa kapwa. Ito ay ipinapamalas ni Gng. Asuncion Militante, na mas kilala sa tawag na Ate Son, Ate Sonia o Abu o kung ano pa man ang ating itawag sa kanya o ibansag.
Sa dami man ng tawag sa kanya ay hindi maikakailang siya ay kilala dahil sa kanyang kasipagan sa kanyang trabaho. Siya ay kusang tumutulong sa kanyang mga City Link pagdating sa mga gawain katulad ng pag-uupdate sa mga benepisyaryo tungkol sa mga aktibidades ng programa.
Maliban sa pagiging isang mabuting empleyado, siya rin ay isang mapagmahal na asawa at maarugang ina sa tatlong mababait at guwapong anak. Siya ay maituturing na isang Wonder Woman dahil sa kanyang pagiging maasikaso at mapagmahal sa anak. Hindi maitatago sa taong ito ang kanyang kasipagan pagdating sa kanyang trabaho.
Handa lagi si Ate Sonia na magbigay ng tulong sa lahat ng nangangailangan; maging ka trabaho man, kasama sa City Hall, benepisyaryo ng programa, o kahit sino man. Hindi siya namimili ng tutulungan at lagi siyang handang maglingkod kung kinakailangan.
Siya ay hindi nagpapabaya sa kanyang mga tungkulin. Kanyang sinisigurado na maayos niyang naipapasa ang impormasyon sa mga benepisyaryo. Siya rin ay nagkukusa na ipaalam sa mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang impormasyon na kinakailangan nila upang mas mabilis nilang matanggap ang mga serbisyo mula sa Department of Social Welfare and Development.
Kanyang sinisigurado na totoo, sigurado, at kumpleto ang kanyang mga impormasyon ikinakalat upang hindi maabala ang mga miyembro. Nakikipag-ugnayan siya sa mga benepisyaryo upang maging mas madali silang makausap at mabigyan ng feedback. Naging malaking tulong ito sa mga City Link upang mas mapabilis ang pag resolba sa iba’t ibang kaso na nangangailangan ng tamang aksyon at rekomendasyon.
Sa simpleng gawain naipapamalas niya ang kanyang kasipagan sa mga gawain sa loob ng opisina. Ang kanyang inisyatibo sa kanyang mga gawain ay nakakatulong sa kanyang mga kasamahang City Link. Ang kanyang paglilingkod ng kusa sa kanyang kapwa ay nagpapamalas ng kanyang pagmamalasakit sa serbisyo. Ito ang uri ng serbisyo na hindi humihingi ng kahit anumang kapalit ng lahat ng kanyang mga naitulong. Siya ay maituturing na isang huwarang empleyado dahil sa kanyang tapat at masigasig na panglilingkod sa bayan.