Si Ma. Christina Dela Cruz ay isang dating miyembro at Parent Leader ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program mula sa lungsod ng North Caloocan. Siya ay apat napu’t apat na taong gulang, kasal sa kanyang butihing asawa na si Ronquillo na apat napu’t limang taong gulang. Sila ay mayroon ng tatlong anak: si Ronna Mae, dalawampung taong gulang, at kasalukuyang nag-aaral ng Accounting Technology, si Raiza Mae, labindalawang taong gulang at nasa ikaanim na baiting, at ang bunso na si Rikka Mae, sampung taong gulang at nasa ikalimang baitang ng elementarya.
Si Christina ay isang mabuting maybahay sa kanyang asawa at ina sa kanyang mga anak. Ang kanyang asawa ay nagtatrabaho bilang tricycle driver at kumikita ng hindi bababa sa dalawang daan kada araw. Ito ay kanilang pinagkakasya sa araw-araw na pang gastos, kasama na ang kanilang kanilang pangkain sa buong maghapon. Nagkakaroon rin ng pagkakataon na sila ay nangungutang para may ipambayad sa kanilang ilaw at tubig. Sa araw-araw ay iyon ang takbo ng kanilang pamumuhay. Laking pasasalamat lamang nila ay wala silang binabayarang upa ng bahay kaya malaking kabawasan rin iyon sa gastusin.
Noong taong 2009, nagkaroon ng pagpapatawag sa kanilang munisipyo para sa pakikipanayam at kung sakaling nakapasa ay saka na magkakaroon ng pagbibisita sa mga bahay para sa balidasyon. Sa taong 2012, lumabas ang listahan ng mga pangalan na makakabilang sa programa at nakalagay na rin ang mga kakailanganin na isumite na dokumento. Nagkaroon ng pagpupulong sa Laloma Covered Court, Brgy. 178, North Caloocan. Dito na rin bumuo ng grupo at pinili siya ng nakararami na maging parent leader. Sa nasabing taon ay siyang naging opisyal na miyembro ng programa.
Sa kanyang pagsisilbi bilang Parent Leader, nakaramdam siya ng takot sa kadahilanang wala siyang karanasan kung paano pamunuan ang isang grupo. Habang tumatagal ay nagagampanan niya ng maayos ang kanyang tungkulin. Napili rin siya bilang pangkalahatang Parent Leader ng kanyang City Link. Dahil dito ay mas lubos na nakilala siya hindi lamang ng kaniyang mga kapitbahay kundi halos buong barangay ng 178. Naiimbitahan na rin siya sa ibang pagpupulong at mga okasyon. Malaki ang naging pagbabago sa kanyang sarili at dahil iyon sa tulong ng karanasan bilang isang lider.
Taong 2015 nang napagpasyahan niyang sumubok na mag-submit ng resume sa Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan nang ito ay nangangailangan ng magiging empleyado bilang isang enumerator. Pagkatapos ng isang linggo ay nagkaroon ng magandang resulta ang kanyang pagpasa dahil sa iniskedyul siya para sa kanyang interview. Noong buwan ng Hunyo hanggang Agosto sa parehong taon ay nagtatrabaho siya ayon sa nasabing posisyon ngunit hindi ito permanente (Job Order) at sa buwan ng Agosto ay natapos ang kanyang pagiging enumerator.
Sa buwan naman ng Setyembre hanggang Nobyembre ay natanggap naman siya bilang SWDI o empleyado na nakikipakikipag kamustahan sa mga miyembro na ng programa. Ang kanyang naging area ay sa District 5, Barangay Gulod, Quezon City. Kahit na umaabot lamang ng tatlong buwan ang kaniyang trabaho ay hindi pa rin siya tumitigil na maghanap pa ng bakanteng posisyon para makatulong sa gastusin sa bahay at pandagdag na panustos sa pag-aaral ng kaniyang mga anak.
Bago matapos ang buwan ng Nobyembre 2015 ay nag-apply siya para posisyon ng Social Welfare Assistant at sa buwan ng Pebrero sa taong 2016 ay inimbitahan siya para sa isang interview para sa nasabing posisyon. Sa buwan ng Hulyo ay nagkaroon ng magandang balita dahil sa nakatanggap siya ng mensahe na siyang sinasabi na tanggap na siya sa trabaho. Sa kanyang naging pakikipanayam ay ipinagbigay alam agad sa kanya na kung sakali mang matanggap siya sa trabaho ay kinakailangan niyang umalis sa program bilang benepisyaryo. Walang siyang naging agam-agam tungkol sa kanyang desisyon at noong buwan ng Setyembre ay nagpasa na siya ng pinirmahan na waive form at ibinigay na rin niya ang cash card sa kanyang City Link.
Sa kasalukuyan, siya ay nagtatrabaho bilang Social Welfare Assistant ng District 3, Quezon City. Hindi siya nahirapan na magtrabaho sa nasabing posisyon dahil sa pagiging miyembro noon ay alam na niya halos ang mga dapat gawin. Naging pagsubok lamang talaga sa kanya ang paggamit ng computer sa tuwing gagawa ng mga reports. Mayroong mga tumulong sa kanya na kapwa niya empleyado na walang sawang nagbibigay ng oras para siya ay gabayan at turuan sa paggamit nito.
Malaki ang kanyang pasasalamat sa programa dahil sa nagkaroon ng malaking pagbabago ang kanilang buhay at pati na rin sa kanyang sarili. Sa tulong ng programa ay nagpatuloy sa pag-aaral ang kanyang mga anak at bilang isang ina ay laging hiling sa kanyang mga anak na makatapos ng pag-aaral dahil ito lamang ang yaman na maipapamana niya sa kanila.