“Nagkusa akong umalis dahil narararamdam ko na ang ginhawang aking inaasam at alam ko sa sarili kong mayroong mas karapat-dapat na maging benepisyaryo ng programa kaysa sa akin.”
Ito ang mga katagang binitawan ni Roma Mirandilla, ang apatnapu’t walong taong gulang na maybahay ni Alberto Mauricio. Sila ay mayroon ng anim (6) na anak at kasalukuyag naninirahan sa People’s Village, Barangay Dampalit, Malabon City.
Buhay Bago ang Pantawid Pamilya
“Swerte na kung makakain ng tatlong beses sa isang araw,” ganito inilarawan ni Roma ang kanilang pamumuhay bago napabilang ang kanilang pamilya sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Ayon sa kanya, sobrang salat sila sa yaman bago naging miyembro ng programa. Dahil sa kanilang kahirapan ang ilan sa kanyang anak ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral.
Isa pang dagok sa kanila ay iniinda ni Roma na sakit na Scoliosis. Ito ay isang medikal na kondisyon kung saan ang buto sa likod ng tao ay nagkakaroon ng kurba. Walang nagawa si Roma kundi tiisin na lamang ang sakit at kirot na nararamdaman sa kanyang likuran dahil wala silang perang pangpa-ospital. Kulang na kulang din ang kinikita ng kanyang asawa sa pangingisda kung kaya’t hindi niya magawang ipagamot ang kanyang misis.
Taong 2011 nang nasama sila sa listahan ng mga posibleng maging miyebro ng programa si Roma, ngunit sa kasamang palad ay ilang beses silang hindi napabilang dito. Kung kaya’y binanggit na lamang niya sa kanyang City Link na hindi ito para sa kanya. Lumipas ang ilang buwan na pagsubaybay sa kanya ay sa wakas, naging miyembro din sila ng programa. Taong 2014 ng ganap na siyang naging miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Buhay bilang isang miyembro
“Malaki ang naitulong ng programa sa akin,” buong pagmamalaking inilarawan ni Roma ang kanyang pamumuhay nang siya ay ganap ng miyembro ng programa. Nakaramdam sila ng kaginhawaan habang siya ay miyembro, dahil bukod sa ibinibigay ng kanyang mga anak mula sa kinikita nito ay nakakatulong din ang cash grants na ibinibigay ng programa sa kanyang apo.
Nagawa niya na ring kumonsulta sa doctor para sa kanyang scoliosis. Nagkaroon din sila ng pera na ipanghuhulog sa PhilHealth para sa kanyang mga anak. Ayon kay Roma, bukod sa grants na nakukuha ay sobra-sobrang kaalaman din ang kanyang natutunan, salamat sa Family Development Session kung saan siya nagkaroon ng ideya upang magtayo ng maliit na tindahan. Tumagal ng tatlong taon ang pagiging miyembro ni Roma.
Hanggang sa dumating na sa punto na nararamdaman na ni Roma ang kaluwagan sa kanilang pamumuhay. Tinabi niya ang ilang porsyento ng tulong pinansyal na natatanggap sa gobyerno at ginamit itong puhunan upang magtayo ng negosyo.
Bukod sa tindahan ay naging negosyo niya rin ang pagpapautang. Dahil sa natatamasa na kaginhawaan ni Roma ay naisipan niyang kausapin ang kanyang City Link upang ipagbigay alam ang plano niyang boluntaryong pag-alis sa programa. Agad naman itong pinayagan ng City Link dahil naramdaman nito at nakita nitong nakakaramdam na ng ginhawa ang pamilya ni Roma.
Buhay Matapos ang Pantawid Pamilya
“Ayoko maging sakim, kuntento na ako sa nararanasan kong kaginhawaan sa ngayon. May iba pang mas nangangailangan kaysa sa akin,” ito ang sabi ni Roma nang tanungin kung bakit siya nagkusang umalis sa programa.
Ayon sa kanya ay walang pagsisisi sa kanyang parte nang siya ay umalis na sa programa. Para kay Roma ay sapat na ang naging tulong na ibinigay ng gobyerno sa kanya at nagamit niya naman ito sa magandang gawain. Ang mensahe na lamang niya sa ibang miyembro ay nawa’y patuloy na gamitin sa tama at maayos na paraan ang mga nakukuha nilang tulong pinansyal galing sa gobyerno at hindi gugulin sa bisyo.
Para kay Roma ay marapat lamang na imonitor ng maayos ang ibang miyembro na hindi ginagamit ng maayos ang mga nakukuhang tulong pinansyal upang mas mabigyang prayoridad ang mga taong mas karapat dapat na mapabilang sa programa. Hiling din nya na hindi magsawang tumulong ang programa at ang gobyerno sa mga mamamayang nangangailangan.