“Maging determinado sa lahat ng gustong makamit sa buhay.”
Masipag, matiyaga, mapag-aruga sa pamilya at responsableng ina at asawa. Si Nanay Rovie Moncalvo ay 45 na taong gulang, orihinal na nanggaling sa Lungsod ng Pagadian. Dahil sa hirap ng buhay ay nakipagsapalaran siya sa Maynila kung saan niya nakilala ang kanyang asawa na si Ruel, isang tricycle driver na edad 45. Mahigit 18 taon na silang naninirahan sa Kamaynilaan partikular sa #468 NPC Mendrez St., Brgy.Baesa, Quezon City. Sila ay may limang anak, dalawang babae at tatlong lalaki. Ito ay sina Rovelyn na nasa kolehiyo, si Rosse Julian na nasa grade 10, si Fralex na nasa grade 8, si Royce na nasa grade 7 at ang bunsong anak na si Ronel na nasa grade 3 ngayon.
Si Nanay Rovie ay aktibong myembro ng programa noong 2014 at naging Parent Leader ng kanilang grupo ng kaparehong taon. Sa una ay hindi niya inakala na siya ay iboboto ng kanyang mga kasamahan bilang Parent Leader dahil siya ay tahimik lamang, laging nasa bahay at hindi nakikisalamuha sa iba. Sa simula ay natakot siya dahil wala raw siyang kaalaman sa paghawak ng ganitong posisyon hanggang sa napagtanto niya na maganda pala ang maging isang Parent Leader dahil nakakatulong siya sa kanyang mga kasamahan. Simula noon, nabago ang kanyang buhay. Ang pagiging Parent Leader ay isa sa mga nagbigay sa kanya ng lakas upang maging aktibo. Dahil dito, unti-unting niyang napapaunlad ang kanyang pagkatao. Natanto rin niya na mayroon pa pala siyang kayang gawin bukod sa pagiging maybahay. Malaki ang pasasalamat niya sa programa at sa kanyang mga kasamahan at napabilang siya sa mga Parent Leaders ng kanilang lugar. Dahil sa kanyang naging mga karanasan ay naging determinado siyang humanap ng trabaho na kung saan ay pwede niyang magamit ang kanyang mga kaalaman at karanasan na natutunan sa programa.
“Napakalaki ng tulong sa akin at sa aking pamilya ng programa. Ang tulong pinansyal ay napagkakasya ko sa gastusin ng mga anak ko, sa pagkain at eskwelahan tulad ng pambaon, medisina at iba pang pangangailangan nila sa eskwelahan habang sa aking personal na paglago, nahasa ang pakikipagkapwa-tao at pakikipagkaibigan ko,” sambit ni Nanay Rovie.
Noon, hindi lingid kay Nanay Rovie na kapos sila sapagkat kumikita ang asawa ni Nanay Rovie ng mahigit 500 pesos sa pagiging tricycle driver at ito lamang ang kanilang pinagkukunan.
Natakot si Nanay Rovie na hindi sumapat sa pangaraw-araw nilang gastusin kung kaya’t nagpursigi rin siyang humanap ng mapagkakakitaan para tumulong sa kanyang mister na masuportahan ang kanilang pamilya. Sa una ay inisip niyang mahirap na siyang matanggap dahil simula noong magka-pamilya siya ay namalagi na siya sa kanilang bahay. Ngunit nagpatuloy pa rin siya at dahil sa determinasyon, nakapagtrabaho si Nanay Rovie sa iba’t-ibang programa ng DSWD tulad na lamang ng Listahanan.
Sa ngayon, kasalukuyang nagtatrabaho sa programa ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program bilang Child Welfare Assistant si Nanay Rovie. Siya ay nag-waive sa pagiging miyembro ng programa noong taong 2016 dahil alam niyang kaya na niyang suportahan ang kaniyang pamilya at mayroon pang mas maraming matutulungan ang programa.
“Pangarap ko po na makapag trabaho at kumita ng sapat para sa pamilya ko, at ngayon ay may trabaho na ako. Dahil din po sa aking trabaho ay mas lalong lumawak ang aking kaalaman simula noong naging Child Welfare Assistant ako ng DSWD. Ang bahay din po namin na dati naming inuupahan, ngayon ay sa amin na. Binayaran ko po ng paunti-unti at ngayon nga, dahil sa pagtityaga at pagsisipag ay pag-aari na namin,” panapos na wika ni Nanay Rovie.
Ang kwento ni Nanay Rovie ay isa lamang sa maraming kwentong tagumpay na hatid ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. ###