OKTUBRE 16, 2019 – Inilunsad ngayon ang Sama Bajau Activity Center sa San Dionisio Gymnasium, Parañaque City, sa pangunguna ng DSWD-NCR at pakikipagtulungan ng Cartwheel Foundation, Consuelo Zobel Alger Foundation, at ng Lungsod ng Parañaque.
Ang pagtayo ng Sama Bajau Activity Center ay ginawa sa layuning mapabuti ang kalagayan ng mga Indigenous People na nasa Lungsod. Sa pamamagitan nito, sila ay maihahanda sa pormal na pag-aaral at pagkakaroon ng hanap-buhay. Tuturuan sila ng mga paraan upang kumita ng pera at makasabay sa pamumuhay ng mga mamamayan sa lungsod. Ang mga programa ng DSWD-NCR tulad ng Sustainable Livelihood Program at Cash-for-Work Program ay makakapagbigay rin ng tulong sa kanila.
“Instrumento lamang po kami upang kayo ay matulungan. Kayo po ang sentro ng programang ito. Kailangan po namin ang inyong pakikipagtulungan upang maging matagumpay po ang ating programa.” ani Bb. Ilene Lotino, tagapamahala ng Special Projects Section ng DSWD-NCR, sa kanyang mensahe para sa mga Sama Bajau.
Dumalo rin ang ilang mga opisyal sa aktibidad na ito upang magpakita ng suporta. Kabilang sa mga opisyal ay sina Kagawad Raymond Arceo, Kagawad Shannin Mae Olivarez, Konsehal Vandolph Quizon, at Kongresista Eric L. Olivarez ng Parañaque City.
Maaaring pumunta at makipag ugnayan sa Brgy. San Dionisio, Parañaque City ang mga Sama Bajau na nais maging bahagi ng programa. Ang Activity Center ay bukas mula Lunes hanggang Sabado.
Ang Sama Bajau Activity Center ay tumatanggap din ng volunteers na nagnanais makatulong sa mga Indigenous People. Maaaring makipag ugnayan sa DSWD-NCR Special Projects Section sa numerong 734-8623 ang mga nagnanais tumulong. ###