LUNGSOD NG MALABON – Upang masiguro na magiging maayos ang implementasyon ng 3rd Round National Household Assessment sa lungsod, isang pagpupulong ang ginanap sa pagitan ng DSWD NCR National Household Targeting Section (DSWD NCR NHTS) at Lokal na Pamahalaan ng Malabon sa panguguna ni Kagalang-galang Punong Lungsod Antolin Oreta III at Pinuno ng City Social Welfare and Developnment Office, Bb. Patria Agcaoili noong ika-5 ng Nobyembre, 2019 sa Tanggapan ng Punong Lungsod.

Ipinaliwanag ni Gng. Maricris Laig Estepa, Regional Field Coordinator (RFC) ng NHTS ang isasagawang pagbabahay-bahay na pagbisita at pagiinterbyu sa mga taga-Malabon. Inilatag din ang deployment plan na nagsasaad ng bilang ng nakatalagang Listahanan 3 staff sa bawat barangay na nabibilang sa Pockets of Poverty.

Binigyang-diin ng RFC ang kahalagahan ng isasagawang pagtatala kung saan ito ang magiging daan upang magkaroon ng totoo at tamang listahan ng mga mahihirap sa National Capital Region na ibabahagi sa mga social protection stakeholders at maaaring maging daan sa mga kwalipikadong kapatid na mahihirap na maging benepisyaryo ng iba’t ibang programa ng gobyerno.

“Buo ang suporta ng Lungsod ng Malabon sa isasagawang proyekto ng DSWD NCR at lahat ng maaaring tulong ay ibibigay namin upang ito ay maging matagumpay,” pahayag ni Punong Lungsod Oreta.

Ang Listahanan ay information management system na naglalayon na bigyan-mukha ang mahihirap sa bansa.

###

Please share