Si Marieta M. Banalo ay isang aktibong miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps mula sa PNR Site FTI Compound, Taguig City. Siya ay isang solo parent sa kanyang anim (6) na anak, na kung saan tatlo (3) sa mga ito ay may kapansanan sa pandinig.
Pagbangon mula sa pagsubok…
Sinubok ng tadhana si Nanay Marieta ng maghiwalay sila ng kanyang asawa at mag-isa niyang itinaguyod ang kanyang mga anak sa kabila ng kahirapan at kapansanan na naranasan ng kanilang pamilya. Dumating siya sa punto na halos ipaampon na niya ang kanyang maliliit na anak ngunit napagtagumpayan nya ito ng piliin niyang panindigan at pahalagahan ang buhay ng kanyang mga anak. Dahil na rin sa mag-isa lamang niyang binubuhay ang pamilya ay napilitan ang kanyang dalawang pinakamatandang anak na mangalakal at mag-pedicab driver upang makatulong na rin sa pamilya.
Ngunit tila nabunutan ng tinik sa buhay si Nanay Marieta ng mapabilang siya sa Programa noong 2009. Nabigyan siya ng pagkakataon na linangin ang kanyang sarili sa pagdalo ng mga Capability Trainings na naging daan upang manilbihan siya bilang parent leader ng Programa. Dahil na rin sa pinakitang pagsusumikap ni Nanay Marieta ay napasama din siya sa Kabuhayan Program ng DOLE taong 2014. Nabigyan siya ng groceries na nagkakahalaga ng sampung libong piso (Php10,000.00) upang pandagdag sa kanyang sari-sari store. Namasukan din siyang street sweeper sa DPWH upang magkaroon ng dagdag na pagkakakitaan. Nag-aral din siya sa TESDA ng housekeeping taong 2016 sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program (SLP) na kung saan nakamit niya ang NCII.
Pamamahagi ng biyaya…
Hindi sinayang ni Marieta ang kanyang mga natutunan sa oportunidad na binigay sa kanya ng Programa sapagkat bukod sa pagiging parent leader ay nanilbihan din siyang facilitator ng mga pagsasanay patungkol sa Positive Disciplining at kasalukuyang advocate na rin ng Save the Childen. Nanilbihan din siya sa kanilang Barangay bilang volunteer purok leader at Barangay Peace and Order Officer (BPO).
Bunga ng pagsusumikap…
Dahil sa pagmamahal at pagsusumikap na ibinuhos ni Nanay Marieta sa kanyang pamilya ay nagbunga ito ng maganda sapagkat ang kanyang mga anak ay nagkaroon ng malinaw na kinabukasan: ang dati niyang anak na nangangalakal lamang ng bote ay regular na emplayado na ngayon ng PAGCOR-Hyatt Casino; ang anak niya na dating nagmamaneho ng pedicab ay may sarili ng motor na ginagamit sa pamamasada; ang isang anak niya na may kapansanan ay nakapagtapos na ng kolehiyo sa College of St. Benilde bilang iskolar ng bayan at ngayon ay empleyado ng ng MMDA; at ang kanyang dalawa pang anak na may kapansanan ay kasalukuyang nag-aaral sa paaralan para sa mga may kapansanan sa pandinig. Ang isa sa mga ito ay naging 2014 Exemplary Representative ng syudad ng Taguig; at ang bunso naman niyang anak ay palaging honor student sa kanilang paaralan at naging representative sa isinagawang pagsasanay ng National Program Management Office ng 4Ps tungkol sa Online Sexual Abuse.
Si Nanay Marieta ay nagkaroon din ng panayam sa Media PTV Philippines noong 2019, na kung saan ibinahagi at ipinagmalaki niya ang mga nararating at napagtagumpayan niya sabuhay at ng kanilang pamilya sa tulong ng Programa.
“Lubos akong nagpapasalamat sa 4Ps sapagkat ito na ang aking naging asawa na syang naging katuwang ko sa pagtataguyod ng aking pamilya. Tunay nga na sa tulong at gabay ng Programa ay nakatawid kami sa kahirapan.” – Marieta M. Banalo, 4Ps Member