Sina Leslie, 47 taong gulang at Renato Ectobañez, 50 taong gulang ay 21 taon ng naninirahan sa Barangay Tumana, Marikina City kapiling ang kanilang apat (4) na anak na sina Hazel, 21 taong gulang, na sa kabila ng pagkakaroon ng rheumatic heart disease ay nakapagtapos ng kursong Bachelor of Science in Nursing taong 2019 at ngayon ay isa ng Registered Nurse at nagtatrabaho na sa isang hospital sa Marikina; Cristine, 18 taong gulang, na nakapagtapos ng Senior High-school; Orlando, 9 taong gulang, at Lance Anthony, 5 taong gulang na kasalukuyang nag-aaral sa isa sa mga pampublikong paaralan sa Lungsod ng Marikina.
Upang maitaguyod ang kanilang apat na anak, tumanggap ng mga labada si Leslie at sa tuwing wala siyang lalabhan ay naglalako naman siya ng mga itlog. Si Renato naman ay namamasukan bilang machine operator sa isang pribadong kompanya na siyang pangunahing pinagkukunan ng pang araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya kabilang na rito ang gastusin sa pag-aaral ng kanilang mga anak. Hindi alintana ng mag-asawa kahit sila ay “magkayod-kalabaw” upang matiyak lamang nila na mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak.
Lalong sinubok ng tadhana ang Pamilya Etcobañez noong ang Lungsod ng Marikina ay hagupitin ng Bagyong Ondoy taong 2009. Nilimas ng nasabing bagyo ang iba sa kanilang mga ari-arian kaya naman lalo silang nahirapang bumangon muli. Ngunit hindi nawalan ng pag-asa ang mag-asawa na makapagbigay ng maganda at maayos na buhay para sa kanilang mga anak. Kaya naman noong taong 2012 ay napabilang ang Pamilya Ectobanez sa Set 6 ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Si Leslie ay nanilbihan bilang parent leader ng kanilang parent group at nakilala siya sa pagiging responsable at matiyagang pinuno sa kanyang mga miyembro. Lubos ang pasasalamat ni Leslie sa bawat sentimong naibibigay ng Programa sa kanilang pamilya sapagkat malaking tulong ito upang makaraos sila sa pangangailangan ng kanilang mga anak sa pag-aaral gayun din sa pang araw-araw na pangangailangan ng pamilya. Lalo na’t sumasailalim sa buwanang gamutan si Hazel para sa kanyang sakit sa puso. Marami mang hamon ang patuloy na pinagdadaan ng Pamilya Ectobañez ay nananatili pa rin silang matatag at positibo sa buhay.
Naging inspirasyon ng mag-asawa ang kanilang mga anak upang hindi sumuko sa buhay at patuloy na magpursige upang mabigyan ng magandang kinabukasan at edukasyon ang kanilang mga anak. Hindi naman nabigo ang mag-asawa dahil nag-bunga ang kanilang paghihirap sapagkat masigasig sa pag-aaral at may matibay na hangarin na makatulong sa pamilya ang kanilang mga anak.
Isa sa ipinagmamalaki ng mag-asawang Leslie at Renato ay ang kanilang panganay na anak na si Hazel na isa ng ganap na propesyonal na nurse. Ang pagtatapos ni Hazel sa pag-aaral ay hindi lamang tagumpay ni Hazel at ng kanyang pamilya kundi ito ay tagumpay din ng Programa sapagkat hindi lamang ito nakapagbigay ng pinansyal na tulong sa mga gastusin sa pag-aaral ni Hazel bagkus pati na rin ang aral at kaalaman na naibabahagi sa Family Development Session na tumitimo sa puso’t isipan upang maging mabuting magulang, anak at mamamayan ang bawat miyembro ng kanilang pamilya.
Patuloy na pinanghahawakan ng mag-asawang Ectobanez ang hangarin nila na mapagtapos ng kolehiyo ang tatlo pa nilang nag-aaral na anak dahil naniniwala sila na ito ang daan tungo sa maginhawang pamumuhay at ito lamang ang tanging yaman na maipapamana nilang mag-asawa na hindi matutumbasan ng kahit anumang halaga.
Bilang pagtanaw din ng utang na loob at base na rin sa inspirasyon at ehemplong ipinapakita ni Leslie sa kanyang mga anak ay hindi nagpatinag si Hazel sa kabila ng kanyang kapansanan na manilbihan din sa kanilang lungsod bilang frontliner sa kasalukuyang kinakaharap na pangkalusugang krisis ng bansa.