Ang pagiging bahagi ng Department of Social Welfare and Development o ahensya na isa sa maituturing na “frontline service provider” ay isang malaking karangalan ngunit ito ay mayroong kaakibat na malaking responsibilidad.
Malaki ang pasasalamat ng DSWD NCR sa DSWD NCR Rider’s Group o ang volunteer arm ng ahensya sa pagbibigay ng mas pinabilis na serbisyo sa mga mamamayan lalo’t higit sa kinakaharap na sitwasyon ng ating bansa ngayon.
Dahil sa pangamba na maaaring maidulot ng The Big One o ang 7.1 Magnitude na Lindol na higit na maaapektuhan ayon sa mga pag-aaral ay ang DSWD NCR, umusbong ang damdaming ituloy ang pagtatatag ng nasabing grupo upang masiguro na kung hindi man mapasok ng malalaking trucks o iba pang 4-wheel drive na sasakyan ng ahensya ang mga pagdadalhan ng relief goods, siguradong makakarating pa rin sa mga apektado sa pamamagitan ng mga kawaning naka-motorsiklo.
Ang diwa ng pagtulong kaakibat ng adbokasiyang magkaroon ng ligtas na paggamit ng motorsiklo sa mga miyembro at kawani ang nag-udyok upang pormal na bigyang-buhay ang DSWD NCR Rider’s Group noong ika-1 ng Oktubre taong 2018 sa pangunguna ni G. Bienvenido Barbosa, Division Chief ng Disaster Response Management Division; G. Jonathan San Agustin, Social Welfare Officer II at G. Jim Lloyd Maigin, Administrative Assistant.
Ang grupong ito ay binubuo ng mga kawani ng Field Office na mayroong motorsiklo na maaaring magamit sa kagyat na pagtugon sa mga Disaster Operations. Sa kasalukuyan ay mayroong 105 na miyembro ang DSWD NCR Rider’s Group na kinabibilangan ng mga kawani ng Field Office sa iba’t ibang Divisions, Units at Sections. Ang grupong ito ay pinamumunuan ni G. Maigin.
Hindi matatawaran ang dedikasyon ng bawat isang miyembro ng Rider’s Group sapagkat kaakibat sila ngayon sa pagtugon sa Disaster Operations dulot ng COVID-19. Ito ay ikaapat na Disaster Operations na kanilang nasamahan. Hindi nila alintana ang init, pagod at sakit na maaaring makuha sa pagtulong sa halip, patuloy sila sa paggampan ng sinumpaang tungkulin bilang miyembro ng kanilang samahan. Araw-araw na sumasama ang mga miyembro sa relief operations sa iba’t ibang LGU sa Kalakhang Maynila upang masigurong mabilis ang paghakot pagbababa ng mga relief goods na mula sa ahensya.
Ang grupo rin ay responsable sa pagtugon sa mga sakuna kagaya ng sunog at bagyo na nangyayari. Sila ay agad kumukuha ng mga inisyal na datos upang maiparating sa pamunuan ng ahensya kung ilan at saan ang mga naturang insidente upang magbigay ng agarang tulong sa apektadong pamilya sa lugar.
“Sa pamunuan ng ahensya, maraming salamat po sa pagbibigay ng pagkakataon sa akin, sampu ng aking mga miyembro na makapagsilbi ng higit pa sa ating mga kababayan. Kami po ay hindi mapapagod magsilbi sapagkat ang insipirasyon namin ay ang mga kababayan natin na higit na nangangailangan ng tulong ng pamahalaan,” pasasalamat ni G. Maigin.
Mahirap man at nakakapagod, buong-puso at buong-giliw na magbibigay ng Serbisyong may Malasakit ang DSWD NCR Rider’s Group sa ating mga kababayan sa National Capital Region. ###