Ang Pamilya Bautista ay isa sa mga pamilyang nakakatanggap ng tulong mula sa Pamahalaan sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Ang mag-asawang Reggie Bautista, 50 taong gulang at Eduardo Bautista, 52 taong gulang ay labing pitong (17) taon ng naninirahan sa Barangay Tumana, Marikina. Itinaguyod ng mag-asawa ang kanilang pamilya sa kabila ng mga pagsubok sa buhay na napagtagumpayan nila at nagsumikap na magawa ang lahat upang mapagtapos lamang ng pag-aaral ang kanilang mga anak para mabigyan sila ng magandang kinabukasan.
Pinaninindigan ng mag-asawa ang paniniwala na tanging edukasyon ang susi sa isang matagumpay at magandang kinabukasan para sa kanilang mga anak – edukasyon na tanging maipamamana nila. Kaya sa tulong na rin ng Programa ay binigyang prayoridad ng mag-asawa ang mga pangangailangan ng kanilang mga anak sa kanilang pag-aaral kahit na ang kapalit nito ay ang magdoble kayod sa buhay. Si Tatay Eduardo ang tanging kumikita noon sa pamilya mula sa kanyang pamamasukan bilang taxi driver habang si Nanay Reggie naman ang tumutok sa pagpapalaki ng kanilang mga anak.
Nagbunga ang pagsasakripisyo ng mag-asawa dahil sa pagpupursigi ng kanilang apat (4) na anak na babae sa kanilang pag-aaral. Ang kanilang panganay na si Krizelle ay isa ng bagong lisenyadong guro na kasalukuyang naglilingkod sa isang pampublikong paaralan; si Kimberly na nakapagtapos ng kursong Public Administration at kasalukuyang nagtatrabaho sa isang pribadong kumpanya; si Kystal na kasalukuyang nag-aaral ng kursong pang-edukasyon sa Pamantasang Lungsod ng Maynila at isa ring honor student; at si Karen, bunso sa magkakapatid, na kasalukuyang nag-aaral sa ikawalong-baitang sa Concepcion Integrated School Secondary Level.
Tunay nga na sa pagpupursigi mamumunga ang tagumpay.
“Nagpapasalamat ako sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program sapagkat malaking tulong ito upang makapagtapos ng kolehiyo ang aking dalawang anak na ngayon ay nakakatulong na sa aming pamilya kaya naman hindi na kami masyadong nahihirapan sa mga pang araw-araw naming gastusin. Ang aking hiling sa ngayon ay magkaroon sila ng maayos na buhay upang maibalik nila sa bayan ang biyayang aming natanggap mula dito.” – Reggie Bautista, Benepisyaryo ng 4Ps.