Hindi lingid sa ating kaalaman na napakahirap ng kalagayan ng buong bansa dulot ng COVID-19. Lahat ay apektado, bawat sektor, bawat pamilya, at bawat indibidwal na kabilang sa iba’t ibang sector. Ang lahat ay maaring tamaan at maapektuhan.
Malaking hamon ang COVID-19 sa ekonomiya ng ating bansa. Marami ang nawalan ng trabaho, nagsarang kumpanya at mga pamilyang walang mapagkunan ng pang-tustos sa pang araw-araw na pangangailangan.
Isa ang pamilya ni John Robert M. Rey sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ng Enhanced Community Quarantine. Si Robert, lumaki sa Barangay Calzada, Taguig ay nakapagtapos ng High School at isang Janitor o Bust Boy sa isang kilalang kainan. Siya at ang kanyang mag-ina ay naninirahan sa Brgy. Palingon, Taguig City. Siya rin ang nag-aaruga at sumusuporta sa kanyang biyenan.
Ang pamilya ni Robert ay isa sa mga kwalipikadong pamilya na napabilang sa Social Amelioration Program (SAP) ng DSWD sa kanilang Barangay sa Palingon. Naging malaking tulong ang ayudang kanyang natanggap para sa kanilang pamilya. Nakabili siya ng mga pangunahing pangangailangan kagaya ng bigas, delata, noodles, gamot at diaper ng kanyang anak.
Matapos makatanggap ng ayuda mula sa SAP ay umuwi ang pamilya ni Robert sa kanyang ina sa Barangay Calzada, Taguig City. At sa hindi inaasahang pagkakataon ay muling nabigyan ng Social Amelioration Card (SAC) Form si Robert. Ngunit sa gitna ng kahirapan, hindi sumagi sa isip ni Robert na kuhain pang muli ang ayudang hatid ng ikalawang SAC Form. Bagkus, pinili niyang ito ay isauli sa kinauukulan. Nagtungo siya kaagad sa munisipyo at sa tanggapan ng City Social Welfare and Development Office upang ibalik ito, ngunit wala ang mga kawani upang kanyang makausap sa kadahilanang sila ay naka-field at patuloy na namamahagi ng ayuda.
Pagkalipas ng tatlong araw ay nalaman ni Robert ang iskedyul ng pagbibigay ng ayuda sa Barangay Calzada. Dagli siyang nagtungo dito at isinauli ang kanyang ikalawang SAC Form.
Ang mga gabing di siya makatulog, at inuusig ng kanyang konsensya ay napalitan ng katahimikan at kagaanan ng kalooban. “Hindi ako makatulog ng maayos simula nang napunta sa akin ang ikalawa kong SAC Form. Nakokonsensya ako. Natatakot. Ayaw kong manlamang ng kapwa. Hindi tama ang panlalamang. Higit sa panahon natin ngayon na ang lahat ay apektado at nahihirapan dahil sa sitwasyon natin. Isa pa, hindi ko rin naman madadala sa libingan ang pera. Kayang kitain iyan. Madaling kitain iyan. Pero kapag ikaw ay nanlamang sa iyong kapwa, mahirap ng ibalik ang katahimikan sa iyong puso.”
Labis ang pasasalamat ni Robert sa Departamento at sa ating pamahalaan para sa ayudang natanggap.
“Maraming maraming salamat sa DSWD at National Government sa lahat ng naitulong ninyo. Sana sa gitna ng krisis na kinakaharap natin ay patuloy ninyong tugunan ang mga pangangailangan ng taong bayan. Tuloy-tuloy lang sa pagbibigay ng serbisyong walang puwang sa katiwalian.”
“Para sa mga kababayan ko, magtiwala po tayo sa ating kapwa. Huwag po tayo maging mapang-husga at mapanlamang. Sa panahon ng krisis, kahit tayo ay nahihirapan at nagigipit, piliin pa rin natin maging mabuting tao. Piliin pa rin natin ang maging tapat at patas sa ating kapwa. Sa ganitong paraan, malaki ang ating maitutulong sa ating Pamahalaan sapagkat napakarami ng nangangailangan ngayon na kailangan din nilang tulungan. Sama-sama nating pagtatagumpayan ang laban na ito. Tiwala at kumapit lang tayo sa Maykapal.” – Robert