“Bukod sa pagiging bahagi ng ahensyang nagbibigay ng frontline services sa mga mamamayan ngayong panahong ito, alam kong mayroon pa akong HIGIT pang maitutulong sa laban na ito,” wika ni Ms. Roxanne Cesario Giray.
Nagsimula ang ideya ni Ms. Giray, Admin staff ng DSWD NCR sa paggawa ng mga face shields dahil sa pag-aalala sa kanyang kaibigang nurse na empleyado ng kanilang Barangay Health Center. Mula sa pag-aalalang ito, umusbong ang malikhaing ideya na gumawa ng mga face shields gamit ang mga materyales na mayroon sa kanilang bahay. Nadagdagan ang kanyang kaalaman sa paggawa ng produktong ito sa pamamagitan ng mga instructional videos na ibinabahagi rin ng mga tulad niyang nagkaroon ng interes na magbigay ng higit pang tulong sa mga frontliners.
Unti-unti, lalong lumalim ang pagnanasa ni Ms. Giray na lumawak ang kanyang matulungan sa simpleng paraan. Kabahagi niya ang kanyang kabiyak sa dakilang adhikaing nito. Ibinahagi niya sa Facebook ang kanyang naunang batch ng face shields na natapos gawin at naipamahagi sa mga Barangay Officials sa kanilang lugar.
Mula noon, lalong inspiradong gumawa ng mas marami pang face shields ang mag-asawang Giray sapagkat bukod sa papuri ng pasasalamat, nakikita nilang malaki ang naitutulong ng kanilang ginagawa dahil nagsisilbi itong proteksyon sa pangaraw-araw na binabakang panganib dulot ng COVID-19.
Dahil nga rin sa kakulangan ng mga Protective Personal Equipment ng mga frontline service providers, binigyang-prayoridad nilang bigyan ang mga nurse, barangay health workers, gwardiya, gasoline workers, police personnel, grocery staff at ang DSWD NCR staff kabilang na ang mga miyembro ng Disaster Response Teams, empleyado ng Crisis Intervention Section at marami pang iba.
Kasabay ng pagdagsa ng mga nais magpagawa ng mga face shields, dumami rin ang nagnais na makatulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga materyales katulad na lamang ng garters, foam at acetate. Sa ngayon, halos 1,938 face shields ang nagawa at naipamahagi ng mag-asawa. Patuloy pa nilang padadamihin ang bilang na ito sapagkat hindi lingid sa kanila na marami pa ang nangangailangan.
“Ang aming itinutulong ay hindi maikukumpara sa araw-araw na pag-aalay ng ating mga frontline service providers ng kanilang buhay upang masigurong malabanan ang ating kinakaharap at matawid ang mahirap na sitwasyong ito. Patuloy kong panawagan, gaano man kalaki o kaliit ang ating naibabahaging tulong, ito ay magsisilbing inspirasyon sa isa’t isa dahil sa laban na ito, we fight as one,” ani Ms. Giray. ###