Anim sa labimpitong Lokal na Pamahalaan sa National Capital Region ang nakatapos na sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng Emergency Subsidy Program o mas kilala bilang Social Amelioration Program ng Pamahalaang Nasyonal ngayong araw, ika-12 ng Mayo taong 2020.
Ang Programang ito ay kabahagi ng Bayanihan To Heal as One Act kung saan ang mga kwalipikadong pamilya na kabilang sa impormal at bulnerableng sektor sa National Capital Region na labis na naapektuhan ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine ay makatatanggap ng Php8,000.00 ayuda mula sa gobyerno. Nagsimulang mamahagi ang mga LGUs noong Abril 3, 2020.
Pinakaunang natapos sa pamamahagi ang Lungsod ng Caloocan na may kabuuang bilang 215,825 pamilyang nabigyan ng naturang ayuda. Ngayong araw, sabay-sabay namang natapos ang mga Lungsod ng Maynila, Paranaque at Pasig.
“Ang walang sawang pagtutulungan ng Pamahalaang Nasyonal at Lokal ang nagbigay-daan upang maisakatuparan ang programang ito,” ani Regional Director Vicente Gregorio B. Tomas ng DSWD NCR.
Bagama’t mayroong mga natatanggap na reklamo ukol sa limitadong pamilyang nabigyan ng ayuda, ipinahayag ni Director Tomas na patuloy na magbibigay ng suporta ang Pamahalaang Nasyonal sa Lokal sa pamamagitan ng pamamahagi ng Family Food Packs.
Idinagdag pa niya na ang mga Lungsod na nakatapos na sa pagpapatupad ng SAP ay nagsumite rin ng mgaopisyal na requests para sa karagdagang pondo upang maisama ang mga kwalipikado pang pamilya na hindi nakatanggap ng Emergency Subsidy. Ito ay isusumite ng Field Office NCR sa DSWD Central Office upang mapag-usapan kasama ang mga ahensyang maaaring tumugon sa usaping ito.
“Pasasalamat din ang aming handog sa mga Lokal na Pamahalaan sa Kamaynilaan sa patuloy na pagtugon sa pangangailangan ng kanilang mga mamamayan. Kung mayroon mang limitasyon ang augmentation support na ipinaabot ng Pamahalaang Nasyonal, ito ay sumasapat sapagkat mayroong mga iba pang programa sa bawat Lungsod at Munisipalidad,” pahayag ni Director Tomas.
Ang mga field workers ng Field Office NCR at mga Lokal na Pamahalaan na punong-abala sa implementasyon ng program ay pinasalamatan din sa kanilang dedikasyon at walang panghihinawang pagtulong upang masigurong ang mga kwalipikadong pamilya ay makakuha ng inaasahang tulong mula sa Pamahalaan.
###