Ano mang kapansanan o estado sa buhay ay hindi kalianman magiging hadlang sa pusong naguumapaw na makapaglingkod sa kapuwa at sa bayan. Ito ang isa sa mga pinanghahawakan ni Nanay Lourdes Pajares, isang aktibong miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa Barangay 28, Caloocan South.
Si Nanay Lourdes ay naging miyembro ng Programa taong 2012 at siya ngayon ay kasalukuyang parent leader ng Set 4 sa kanilang barangay.
Si Nanay Lourdes ay may kapansanan sa buto (orthopedic disability) at isa ring solo parent sa kanyang anak na si Loriejen na kasalakuyang nag-aaral sa F. Torres High School bilang Grade 7. Mula ng iwanan si Nanay Lourdes ng kanIyang asawa, 12 taon na ang nakalilipas, ay inako na ni Nanay Lourdes ang buong responsibilidad para maitaguyod ang kanilang pamilya. Para matugunan ni Nanay Lourdes ang kanilang mga pangangailangan ay nagtinda siya ng mga pagkain tulad ng kikiam, fishball, kwek-wek at turon sa tapat ng kanilang bahay na siyang pangunahing pinagkukunan nila ng ikabubuhay.
Sa kabila ng mga responsibilidad ni Nanay Lourdes sa kanyang pamilya ay nakapaglilingkod din siya bilang parent leader ng Sampaguita Group na may 46 na miyembro ng Programa. Inilarawan si Nanay Lourdes ng kanilang City Link bilang isang napakasipag at aktibong parent leader na may pagkukusa at palaging tumutugon sa tawag ng kaniyang responsibilidad.
Ang buhay ni Nanay Lourdes ay hindi lamang umiikot sa Programa at kaniyang pamilya bagkus ay pati narin sa komunidad na kanyang kinabibilangan. Si Nanay Lourdes ay isang aktibong volunteer sa Barangay Child Protection Council ng kanilang Barangay. Siya ay naninilbihan ng tatlong (3) araw mula 8:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali sa loob ng isang linggo. Isa rin siyang Area Coordinator ng Bukluran ng Mamamayang Masigasig sa Kaunlaran o BMMK, isang organisasyon na may kaugnayan sa De La Salle University sa Taft Avenue, Manila na naglalayong alalayan o tulungan ang mga estudyanteng kumukuha ng NSTP sa tuwing magsasagawa ang mga ito ng aktibidades sa kanilang komunidad.
At sa panahong ito ng krisis dulot ng pandemyang sakit na COVID-19 ay naninilbihan si Nanay Lourdes bilang frontliner sa kanilang Barangay sa pamamagitan ng pagtulong sa pagdidisinfect ng mga sasakyang nagdaraan sa Pamato, Barangay 28, C-3 Road, Caloocan City mula Lunes hanggang Linggo ng 12:00 ng tanghali hanggang 6:00 ng dapit-hapon. Ayon kay Nanay Lourdes, nararamdaman niya ang kagalakan sa kaniyang puso sa tuwing nakakapaglingkod siya sa kaniyang kapuwa at sa komunidad.
Patuloy ding pinanghahawakan ni Nanay Lourdes ang kanyang paniniwala na, “Believing in yourself is the key to success.” ###