Pitong taon ng kasapi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program si Maricel Santos o mas kilala bilang “Ate Maseng” sa Barangay 573, Sampaloc, Manila. Sa buong panahon na ito ay nagkaroon si Ate Maseng ng iba’t ibang oportunidad upang mapaunlad ang kaniyang sarili, magabayan nang maayos ang kaniyang mga anak, at maisabuhay ang mga natutunan sa loob ng Programa sa pamamagitan ng Family Development Sessions o FDS. Ang ilan sa mga paksang tinatalakay sa FDS ay ang kahandaan sa oras ng sakuna, wastong pag-iimpok ng pera, at pagpapahalaga at paglaban para sa karapatan ng mga bata at kababaihan.
Si Ate Maseng ay isang mapagkalingang asawa at ina sa tatlo niyang anak. Liban dito, siya rin ay isang masipag na Violence Against Women and Children (VAWC) cluster leader, at mapagmalasakit na parent leader sa Grupong Joy.
Naging malaking bahagi rin ng buhay ni Ate Maseng ang pagiging kasapi ng Programa dahil ito ay naging daan upang maalalayan ang pag-aaral at pangangailangang pang-kalusugan ng kaniyang mga anak. Tanging asawa lamang ni Ate Maseng ang naghahanap-buhay habang siya ay nakatutok sa pagpapalaki sa kanilang mga anak.
Hanggang ngayon ay patuloy pa rin si Ate Maseng sa pagiging parent leader, at VAWC cluster leader sa Barangay 573. Patuloy din ang pagbabago at kabutihang naidudulot ng Programa sa buhay ni Ate Maseng.
Lubos na ikinagagalak ng Kagawaran ang mga katulad ni Ate Maseng na mga miyembro ng programa na patuloy na nililinang ang kanilang mga sarili upang mas maging mabuting tao at mamamayan.