Lingid sa kaalaman ng nakakarami, may mga naitatagong kuwento ang 4Ps na tiyak ay aantig at magpapamangha sa inyo. Isa na rito ang bayanihang ipinamalas ng mga Parent Leaders at kasapi ng 4Ps sa Barangay Arkong Bato ng Valenzuela City.
Noong nakaraang Marso 25, 2020 naipamahagi na sa mga miyembro ng Pantawid Pamilya ang kanilang mga grants sa pamamagitan ng kanilang mga cash cards ngunit isa sa mga kasamahan ni Nanay Lolita Liparanon, Parent Leader ng Angel Group sa Barangay Arkong Bato na si Tatay Alfredo Ramos ay hindi nakatanggap dahil sa pagkawala ng kanyang cash card.
Si Tatay Alfredo ay isang pedicab driver na kumikita lamang ng P200 kada araw at ang kaniyang asawa naman ay kumikita ng P900 kada linggo ngunit ng dahil sa pandemyang pangkalusugang krisis at sa pag-iral ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay tanging ang asawa nalamang ni Tatay Alfredo ang kumakayod para sa pamilya. Dahil dito, si Nanay Lolita at ang iba pa nilang mga kasamahan sa 4Ps ay nakaisip na magkaroon ng bayanihan para matulungan ang kanilang kasamahan.
Nitong ika-5 ng Abril ay muling nabigyan ng pinansiyal na tulong ang mga kasapi ng 4Ps sa pamamagitan ng Emergency Cash Subsidy ng Social Amelioration Programs. Muli ay hindi nakuha ni Tatay Alfredo ang nasabing ayuda dulot ng nasabing dahilan, kasama ang ilan pa nilang kabarangay na sina Evangeline Ledesma, Leopoldo Mahuguay, Marina Maladian, at Mary Grace Caparas, pawang mga hindi miyembro ng 4Ps.
Bunsod nito ay nagtulong-tulong ang 13 na parent leaders at mga kasapi ng 4Ps upang mabigyan sila ng tulong. Nakatanggap ng pinansiyal at mga grocery items sina Tatay Alfredo. Bakas na bakas ang galak at labis na pasasalamat nila sa mga kasamahan at kabarangay na tumulong sa kanila.
Ang diwa ng bayanihan ay nakakintal na sa pagkatao ng bawat Pilipino at ito’y patuloy na naipapamalas sa oras ng kagipitan. ###