Si Nanay Ma. Jaizel Candy Morelos Bautista ay isang miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program mula pa noong 2012 sa Valenzuela City. Hindi maikakaila na sa nakalipas na mga taon ay malaki ang nabago sa kaniyang buhay at ng kaniyang pamilya mula ng mapabilang sila sa Programa sapagkat malaki ang naitulong nito sa pag-aaral ng kanyang (3) tatlong anak at sa pag-aaruga sa mga ito. Tutok sa kanyang mga anak si Nanay Jaizel lalo na pagdating sa kanilang pag-aaral kaya naman hindi nakakapagtaka na ang kaniyang mga anak ay pursigidong nag-aaral para sa kanilang kinabukasan.
Dahil na rin sa mga oportunidad na ibinibigay ng Programa at sa masugid na pagdalo ni Nanay Jaizel sa kanilang Family Development Sessions (FDS) ay nagkaroon siya ng dagdag na kaalaman sa pagnenegosyo at tamang paghawak ng salapi kaya naman nakapagpatayo siya ng isang maliit na sari-sari store na pangunahing pinagkukunan ng kanilang pamilya sa pang araw-araw nilang gastusin. Isa rin sa mga isinasabuhay ni Nanay Jaizel mula sa mga natutunan niya sa kanilang FDS ay ang pagiging madiskarte sa buhay lalo na sa mga panahong sinusubok sila ng tadhana.
Kaya naman ng magkaroon ng krisis na dulot ng kasalukuyang pandemyang sakit dulot ng COVID-19 na nakaapekto sa maraming Pilipino, na syang naging dahilan din ng pagkakasara ng tindahan ni Nanay Jaizel upang bigyang pansin ang kaligtasan ng kanilang pamilya at bilang pakikiisa na rin sa social distancing na ipinapatupad sa kanilang lugar ay naging daan ito upang magkaroon ng panibagong pangkabuhayan ang pamilya ni Nanay Jaizel.
Nanahi siya ng mga telang facemasks para magamit ng kaniyang pamilya at mga kaibigan na sa kalaunan ay naging pangunahing pangkabuhayan na rin nila habang ang kalakhang Maynila ay napapasailalim pa sa Enhanced Community Quarantine (ECQ). Naging kilala si Nanay Jaizel sa kanilang lugar na nananahi at nagtitinda ng mga facemask kaya naman dumami ang mga nagpatahi sa kaniya.
Naramdaman ni Nanay Jaizel na ang mga biyayang natatamasa niya ay ipinagkaloob sa kaniya upang maibahagi rin sa iba ng makakita siya ng isang mangangalakal ng basura na ang ginagamit na facemask ay ang sarili nitong damit kaya naman naisipan niya itong bigyan ng tinatahi niyang facemask. Mula noon ay namahagi na rin siya ng libreng facemasks sa mga empleyado ng kanilang health center, mga barangay tanod at kagawad pati na rin ang mga bantay bayan na nangangasiwa sa katahimikan at kaayusan ng kanilang lugar habang ipinapatupad ang ECQ. Naniniwala si Nanay Jaizel na ang simpleng pamamahagi niya ng mga facemask sa mga frontliners na tinuturing niya na mga bayani at ang pakikiisa ng kanilang pamilya sa mga patakarang ipinapatupad ng Pamahalaan ang tanging maiaambag ng kaniyang pamilya sa pagsugpo sa kasalukuyang krisis na kinakaharap ng lipunan.
Patuloy na umaasa ang Kagawaran na marami pa ang katulad ni Nanay Jaizel na mga miyembro ng Programa na may malasakit na puso para sa kanilang kapuwa lalo na sa panahong ito ng krisis. ###