Si Raymond Barreno ay panganay sa pitong (7) anak nina Ramoncito at Eunice Barreno. Malaking hamon sa pamilya ni Raymond ang mapag-aral siya ng kaniyang mga magulang dahil sa kakulangang pinansyal. Ngunit pursigido ang kaniyang mga magulang na mapagtapos siya ng pag-aaral dahil naniniwala ang mga ito na tanging edukasyon lamang ang mapapamana nila sa kanilang mga anak. Namamasukan bilang on call janitor ang ama ni Raymond at bilang kundoktor ng bus naman ang kanyang ina. Kaya naman malaking hamon para kay Raymond ang tumayong panganay sa kaniyang mga kapatid at ang responsibilidad na nakaatang sa kaniya na maging susunod na bread-winner ng kanilang pamilya na magiging katuwang ng kaniyang mga magulang sa pagpapa-aral at pagpapalaki ng kaniyang mga kapatid.
Ito ang naging inspirasyon ni Raymond upang magpunyagi sa pag-aaral. Taong 2015 ng makapasa si Raymond sa University of the Philippines College Admissions Test o UPCAT, ngunit hindi pa lubos na mayakap ni Raymond ang kanyang kagalakan dahil sa pangamba na baka hindi matugunan at kayanin ng pamilya niya ang tuition fees sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Inalala rin ni Raymond ang hirap na makakuha ng scholarship sa non-social science na kurso dahil ang kinuha niyang kurso ay Bachelor of Arts in History.
Ngunit ang lahat ng pangambang ito ni Raymond ay napawi dahil sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay napabilang siya sa Expanded Students’ Grants-in-aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA). Kaya naman nakapag-aral at nakapagtapos ng kolehiyo si Raymond.
Hindi binigo ni Raymond ang tiwalang ibinigay sa kaniya ng kaniyang mga magulang at ng Programa dahil sa mga tagumpay na nakamit ni Raymond sa kaniyang pag-aaral. Naging isang magaling at aktibong mag-aaral si Raymond. Ilan sa kaniyang mga sinalihang organisasyon at extra-curricular na mga aktibidades ay ang mga sumusunod: Siya ay pinalad na napili para sa Student Exchange Program sa Halla University sa South Korea noong Marso hanggang Hunyo 2017; Siya din ay naging Direktor sa Komite ng Edukasyon at Pananaliksik ng U.P. Lipunang Pangkasaysayan (U.P. LIKAS) taong 2018-2019; at naging miyembro din siya ng UP Volleyball Club taong 2017-2019.
Bukod sa pagiging aktibo ni Raymond sa kaniyang mga extra-curricular activities ay hindi pa rin niya napabayaan ang kaniyang pag-aaral dahil sa katunayan ay nagtapos siyang Cum Laude sa kursong Bachelor of Arts in History sa University of the Philippines- Diliman, Quezon City taong 2019.
Naniniwala si Raymond na upang makamit ang mga pangarap sa buhay ay kailangang magpursigi at kailangan din itong paghirapan at pagsumikapan. Lubos din ang pasasalamat ni Raymond sa Programa dahil sa pag-alalay nito sa kanilang pamilya gayun din sa pagkakabilang niya sa ESGP-PA dahil kung hindi sa mga ito ay marahil hindi niya mararating ang kinalalagyan niya ngayon.