Napakalaki ng papel na ginagampanan ng mga kawani sa Medical Field katulad na lamang ng Doktor, Nurse, Medical Technologist, at marami pang iba sa kinakaharap nating pagsubok ngayon dulot ng COVID-19. Sila ay kabilang sa tinatawag nating “Frontliner” na kung saan, sila ang pinakaunang tumutugon sa ating mga kababayan na nagkakaroon ng karamdaman.
Lingid sa kaalaman ng lahat, mayroon din tayo sa DSWD NCR na mga Doktor, Dentista at Nurse na patuloy na nagbibigay-serbisyo sa ating mga kliyente sa iba’t ibang Centers and Residential Care Facilities.
Isa na nga rito si Doktora Rosanna B. Gesmundo, Dentist II, na patuloy na nakikibaka sa pamamagitan ng buong-pusong pagbibigay ng serbisyo sa ilan sa mga Residential Care Facilities na nasa ilalim ng pamamahala ng DSWD NCR partikular, sa Elsie Gaches Village at Haven for Children.
Siya ay pumapasok ng Lunes at Martes sa Haven for Children at Miyerkules hanggang Biyernes sa Elsie Gaches Village. Hindi alintana ni Doktora Gesmundo ang banta at sakit na maaaring maidulot ng COVID – 19 sa kanyang kalusugan. Wala siyang tigil sa pagtulong sa kanyang kapwa-kawani upang mas mapabuti at mapanatiling nasa tamang kalusugan ang mga residente ng mga Centers na kanyang hinahawakan. Siya at ang ilan pang mga medical practitioners na empleyado ng DSWD NCR ay piniling manatili sa loob ng Center sa panahong ito upang magbigay ng kagyat na tulong kung mayroong emergency na maaring mangyari.
Bukod sa regular na check-ups na kanyang isinasagawa sa mga bata ng EGV at HFC at pagtugon sa mga dagling medikal na pangangailangan, siya rin ay nagbabahagi ng kanyang kaalaman sa pamamagitan ng mga talakayan tungkol sa pinagmulan ng COVID-19 at paano ito maaaring mailipat o maipasa. Bilang medical practitioner, kanya ring itinuro ang wastong paghuhugas ng kamay at ang pagsusuot ng face masks lalo na kung lalabas o makikipagpag-usap sa ibang tao. Patuloy rin ang kanyang rounds sa mga cottages ng mga residente upang masiguro na ang mga ito ay sumusunod sa mga alituntunin ng ahensya at ng center pagdating sa proper hygiene at pangangalaga ng kalinisan ng kapaligiran upang makaiwas sa sakit.
“Ipinapaliwanag namin sa kanila na kahit nasa loob sila ng center ay dapat silang sumunod sa mga panuntunan ng gobyerno para sa ikabubuti ng kanilang kalusugan at upang sila ay manatiling malayo sa sakit sapagkat mahirap kung magkakaroon ng positive case ng COVID-19 lalo na’t puro bata ang kliyente ng mga Centers na aking hinahawakan”, saad niya.
Kasabay ng pagsubok sa kanyang propesyon ay sinusubok din ng kasalukuyang sitwasyon ang kanyang pagiging Ina, Maybahay at Anak. Malawak na pang-unawa ang kanyang hiningi sa kanyang pamilya upang magampanan ang kanyang sinumpaang tungkulin.
“Mapalad ako at naiintindihan ng aking pamilya ang aking trabaho. Alam nilang hindi lamang ito trabaho para sa akin, ito ay ilang taong dedikasyon at pagmamahal sa mga batang aking pinaglilingkuran sa Centers. Mahirap sa aming mga Frontliner na maglabas-pasok sa aming mga tahanan sapagkat ang pinaka-at risk ay ang pamilya na aming uuwian kaya’t kahit mahirap at masakit na malayo sa kanila, pinilit ko munang lumagi sa Center upang hindi naman sila malagay sa panganib,” ani Doktora Gesmundo.
Ang mga ngiti at munting tinig ng pasasalamat ay isa sa mga motibasyon na nagtutulak sa kanya upang mas lalo pa niyang pagbutihin ang kanyang trabaho. Tunay, ikaw ay isang Lingkod-Bayan! ###