Taong 2009 nang magsimula ang National Household Targeting System for Poverty Reduction or NHTS-PR sa pangunguna ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Lipunan sa Kalakhang Maynila (DSWD-NCR). Ang NHTS-PR, o mas kilala bilang “Listahanan”, ay isang information management system na tumutukoy sa kung sino at saan matatagpuan ang mga mahihirap na pamilya sa bansa. Ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng household assessment kada apat (4) na taon.
Isa si Corymar De Jose sa mga naging enumerator ng Listahanan noong 2009. Noong mga panahong iyon, hindi pa kilala ang proyektong Listahanan ng DSWD, kaya naman ayon kay Bb. De Jose, ginamit niya nang husto ang kanyang “convincing powers” upang maisagawa ang pag-interbyu sa mga pamilyang nasasakupan ng Pockets of Poverty. Ayon pa kay Bb. De Jose, malaking pagsubok rin ang pag-house to house dahil mano mano ang paghahanap ng mga bahay at wala pang Google Maps. Puhunan nilang mga enumerator si “Magta” — ang kanilang termino sa kakayahang magtanong-tanong sa kung sino-sino upang marating ang mga dapat puntahan.
Hindi rin inakala ni Bb. De Jose na sa kanyang unang pagsabak bilang isang enumerator ay makikita at mararanasan niyang sumuong sa lugar na puno ng putik — hanggang tuhod na putik dulot ng Bagyong Ondoy — sa Barangay Tumama, Marikina City. Sa kabila ng ganoong sitwasyon, ni hindi sumagi sa kanyang isip na umatras sa tungkulin, bagkus ay naisip niyang mas lalong kailangang ma-interbyu ang mga mamayan na nasa ganoong lugar dahil ang impormasyon na kanyang makukuha ay maaring maging basehan ng pamahalaan at mga pribadong organisasyon upang sila ay matulungan.
Nagdaan pa ang mga taon at iba’t-iba pang hamon ang dinanas ni Bb. De Jose mula sa hindi na mabilang na mga risky o mapanganib na lugar na kanyang sinuong sa buong Kalakhang Maynila. Doon niya nasubok ang kanyang tatag, sipag, tiyaga, tapang, at higit sa lahat, ang kanyang determinasyon. Ang pagiging isang enumerator ay nakakapagod at mahirap, ngunit para kay Bb. De Jose, ito ay isang trabahong nakapagdudulot ng kakaibang saya dahil sa kaalamang siya ay nakapagbigay lingkod sa mga mamayan at sa bayan.
Muling nakapasok bilang Area Coordinator at Team Leader si Bb. De Jose nang dumating ang Listahanan 2 noong 2015 at Listahanan 3 noong 2019. Isa sa mga tungkulin niya ay ang makipag-coordinate sa mga pamahalang lokal at magbigay ng oryentasyon sa mga ito ukol sa proyektong gagawin. Dagdag pa rito, gumagawa rin siya ng deployment plan at naging resource person upang bigyang pagsasanay ang mga bagong staff ng Listahanan. Dito nahubog ang kanyang kakayanan, kumpiyansa sa sarili, leadership skills at kagalingan sa time management. Higit sa lahat, ang mga karanasan at kaalaman niya ay ipinamamahagi rin niya sa mga kasamahan.
Kwento pa ni Bb. De Jose, labis na nakakataba ng puso tuwing siya ay nagkakaroon ng pagkakataong makatagpong muli ang mga nakilala niya sa mga nakalipas na balidasyon at siya ay masasabihan ng, “Kayo po ang nag interview sa akin at ako po ngayon ay miyembro na ng Pantawid Pamilya at malaki ang naitulong ng programang ito sa pamilya ko,”
“Bakit ako bumabalik at patuloy na nagseserbisyo sa Listahanan? Dahil masaya ako at mahal ko ang ginagawa ko sa Listahanan, at kahit sa maliit na bagay ay naging instrumento ako ng ating pamahalaan para maabutan ng tulong ang mga nangangailangan.” – Corymar De Jose, Area Coordinator ng Listahanan. ###