Mahigit dalawampung taon nang mag-isang tinataguyod ni Thelma Fernandez, 51 taong gulang, ang kanyang pamilya. Tulad ng karamihan, hirap ang mga kagaya ni Nanay Thelma ngayong panahon ng krisis pangkalusugan kung kailan halos lahat ng mamamayan sa buong mundo ay apektado.
Tatlong apo at isang anak na babae na katulad rin niyang solo parent ang bumubuo sa pamilya ni Nanay Thelma. Sila ay nakatira sa Katipunan Village, Taguig City, at sa kabutihang palad, ang kanilang pamilya ay napabilang sa milyun-milyong indibidwal na nakatanggap ng ayuda mula sa Social Amelioration Program ng pamahalaan.
Ang katatagan ng pamilya Fernandez ay talagang sinubok ng kasalukuyang krisis. Bilang isang dating labandera, walang ibang makuhanan ng pagkakakitaan si Nanay Thelma lalo’t ngayong panahon ng pandemya. Dahil na rin sa edad, hindi na rin siya makagawa pa ng mga mabibigat na trabaho. Natigil rin sa trabaho ang kanyang anak dahil sa pansamantalang pagsasara ng kumpanyang pinagta-trabahuhan nito.
Nang dahil sa sitwasyon, ibinahagi ni Nanay Thelma na halos wala na silang makain noong mga nagdaang araw bago sila makatanggap ng ayuda. Pinagkakasya nila ang natanggap na pagkain mula sa kanilang Barangay, ngunit masasabi niyang hindi iyon sumasapat dahil mas kailangan nilang unahin ang kakainin ng kanyang tatlong apo.
Noong mga panahong iyon ay halos maiyak na si Nanay Thelma dahil sa kanilang kalagayan. Sinikap niyang makipag-ugnayan sa kanilang Barangay at sa DSWD-NCR upang magbaka-sakali na siya ay makatanggap ng tulong.
Laking tuwa ni Nanay Thelma nang siya ay balitaan ng kanilang Barangay na siya ay kwalipikado upang makakatanggap ng ayuda mula sa Social Amelioration Program sa ilalim ng Emergency Subsidy Program (ESP) ng DSWD-NCR. Mistulang nabunutan ng tinik si Nanay Thelma nang kanyang malaman na sa wakas ay makakabili na siyang muli ng gatas ng kanyang isang taong gulang na apo.
Labis labis ang kanyang pasasalamat at aniya ay napakalaking tulong na ayuda upang maitawid ang kanilang pang-araw-araw na gastusin ngayong panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ). Nakabili siya ng bigas, gulay, delata, gatas, at iba pang mga pangangailangan. Ibinahagi rin ni Nanay Thelma na hindi sila nakakalimot ng kanyang anak kung paano ang tamang pagba-budget, at kung paano gagamitin ng wasto ang ayudang natanggap.
“Sobrang hirap na po talaga noong mga panahong iyon (bago kami makatanggap ng ayuda). Sobrang sobrang nagpapasalamat po ako dahil isa po ako sa natulungan ng SAP, at sobrang nagpapasalamat po ako lalo na sa DSWD-NCR dahil sila po ang naging daan para po ako’y makatanggap ng (ayuda mula sa) Social Amelioration Program.”
Ang Emergency Subsidy Program o mas kilala bilang Social Amelioration Porgram ng pamahalaang nasyonal ay isa sa mga programang nakapaloob sa Bayanihan To Heal as One Act kung saan ang mga kwalipikadong pamilya na kabilang sa impormal at bulnerableng sektor sa National Capital Region at labis na naapektuhan ng pagpapatupad ng ECQ ay makatatanggap ng Php8,000.00 na ayuda mula sa gobyerno. ###