Isa sa mga katangi-tanging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program mula sa Caloocan City si Nanay Quennie Gallo dahil sa kaniyang dedikasyon sa pagsasabuhay ng maagap at mapagkalingang serbisyo ng Kagawaran.
Si Nanay Quennie kasama ang kanyang asawa na si Christopher at ang apat (4) nilang anak ay kasalukuyang naninirahan sa Barangay 158, Caloocan City. Magkatuwang na hinaharap ng mag-asawa ang mga pagsubok sa buhay ng kanilang pamilya. Dahil salat sa buhay ang kanilang pamilya ay namasukan bilang labandera si Nanany Quennie upang tulungan ang kanyang asawa na namamasukan bilang security guard sa isang pribadong kompanya.
Bukod sa pagiging aktibong lider ng kanilang Bougainvillea Parent Group, si Nanay Quennie ay aktibong nakikiisa din sa mga aktibidades sa kanilang komunidad. Malugod siyang naglilingkod bilang miyembro ng breast-feeding support group sa kanilang barangay na naglalayong turuan ang mga kababaihan lalo na ang mga kabataang babae na maagang nagdalang-tao patungkol sa tamang pagpapasuso ng bata at mga tamang dapat gawin sa panahon ng pagbubuntis. Si Nanay Quennie ay isa ding Barangay Health Worker (BHW) sa Baesa Health Center. Bukod sa mga Family Development Sessions na pinapangasiwaan ng Programa patungkol sa dagdag na kaalaman sa kalusugan na dinadaluhan ni Nanay Quennie ay nagkaroon din siya ng pagkakataon na makadalo sa mga pagsasanay para sa mga Barangay Health Workers na nagbukas sa kaniyang kaisipan sa pagpapahalaga sa kalusugan. Kaya naman bilang health worker ay kusang sumali si Nanay Quennie na maging miyembro ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) sa kanilang barangay na naglalayong tugunan ang mga pangkalusugang krisis na dulot ng pandemyang sakit na COVID-19. Ang pangunahing responsibilidad ng kanilang grupo ay ang matukoy ang mga may ubo, lagnat o flu sa kanilang barangay upang matulungan ang mga ito na makapagpakonsulta sa health center at makapag pa-swab test. Sila rin ang sumusubaybay sa mga kabarangay nila na mga galing sa ibang bansa na kailangang sumailalim sa labing-apat (14) na araw na home quarantine.
Nanilbihan din si Nanay Quennie bilang frontliner sa kanilang barangay: tumutulong siya sa pagbabantay sa mga checkpoints sa kanilang barangay upang masiguro na ang mga dumadaang sasakyan ay may quarantine pass; tumutulong din siya sa pag-iimpake at pamamahagi ng mga family food-packs sa kanilang barangay at kanilang mga karatig barangay; nakiisa din siya sa isinagawang bahay-bahay na pagdisinfect sa kanilang lugar; at sa gabi naman ay tumutulong siya sa kanilang mga Barangay Tanod sa pagpapatupad ng curfew sa kanilang barangay.
Kaya naman saludo ang Kagawaran sa marami pang katulad ni Nanay Quennie na mga miyembro ng Programa na patuloy na nakikiisa sa pagsugpo ng Pamahalaan sa krisis na dulot ng pandemyang sakit na COVID-19.
#4PsBayanihan