Si Margie V. Maata ay isang aktibong miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program mula sa Lungsod ng Pasig. Isa ang pamilya ni Nanay Margie sa mga masigasig na miyembro ng Programa na tapat na sumusunod sa mga kondisyon ng Programa at naitaas ang antas ng kanilang pamumuhay bunga na rin ng sama-samang pagtutulungan ng mga ahensiya ng gobyerno sa pangunguna ng Kagawaran.
Si Nanay Margie kasama ang apat na miyembro ay mapalad na nakadaupang palad si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa naganap na culminating activity sa pagdiriwang ng ika-69 na anibersaryo ng pagkakatatag ng Kagawaran na ginanap sa DSWD Central Office, Quezon City noong ika-29 ng Enero 2020. Isa si Nanay Margie sa mga maituturing na huwarang miyembro ng Programa dahil sa kanyang dedikasyon at busilak na puso hindi lamang para sa kanyang pamilya kundi pati na rin sa kanilang komunidad.
Kaya naman sa kabila ng kasagsagan ng pangkalusugang krisis na dulot ng pandemyang COVID-19 ay hindi nagpatinag si Nanay Margie na makapaglingkod sa kanyang komunidad bilang pangulo ng Greenheart Neighborhood Association na isa sa mga asosasyon ng mga magkakapit-bahay sa Barangay Kalawaan, Lungsod ng Pasig.
Tumayong frontline volunteer ng kanilang barangay si Margie na kung saan sa pakikipagtulungan niya sa mga pribadong tao at sa Lokal na Pamahalaan ng Pasig ay nakalikom sila ng mga bigas at delata na naipamahagi nila sa pamamagitan ng pagbabahay-bahay sa 65 na pamilya (17 dito ay mga miyembro ng 4Ps) sa kanilang komunidad. Nagpaskil din siya ng mga mensahe na nagpapaalala sa kanilang kapit-bahayan patungkol sa mga dapat gawin habang ipinapatupad ang Enhanced Community Quarantine sa kanilang lugar.
Saludo ang Kagawaran sa mga katulad niyang mga miyembro ng Programa na nagsisilbing instrumento ng positibong pagbabago at mabuting ehemplo sa kanilang komunidad.
“Napagtanto ko mula sa aming Family Development Session na bokasyon ko ang maglingkod kaya naman kahit hindi madali at nakakatakot ang COVID-19 ay patuloy pa rin kaming maglilingkod ng may kaakibat na tripling pag-iingat. Ganun pa man, malaki ang pasasalamat ko dahil patuloy ang buhos ng biyaya mula sa mga mabubuting tao at mga organisasyon upang matulungan ang aming komunidad.” – Margie Maata ###