Ang pagtulong sa kapwa higit lalo sa mga nangangailangan ay isa lamang sa mga sinumpaang tungkulin ng ating mga frontliners, na sa kasalukuyang panahon ay kanilang pinaninindigan at isinasagawa, hindi lamang dahil sa ito ay dapat, kundi dahil na rin sa kanilang matinding pagnanais na makatulong at maglingkod sa kapwa.
Ilan lamang sina G. Domingo Ocbina, Bb. Llyn Organo, at Bb. Cashmyre Beltran sa mga frontline Nurses na patuloy na nagsisilbi, naglilingkod, at nag-aalay ng kanilang mga buhay, mapagsilbihan lamang ang mga Centers at Residential Care Facilities ng DSWD NCR. Hindi alintana ang panganib na maaring maidulot sa kanilang kalusugan at ang sakripisyo na kanilang inilalaan para lamang patuloy na mapaglingkuran at masiguro ang kaligtasan ng mga bata at iba pang kawani ng kanilang center na pinaglilingkuran.
Ilan lamang sa mga pang-araw araw na tungkuling ginagampanan nila ay ang regular na pagmonitor ng kalagayan at kalusugan ng mga residente, pagbibigay ng diskusyon patungkol sa kung paano maiiwasan ang pagkakaroon ng COVID-19 at importansya ng social distancing, at pagtuturo ng wastong paglilinis ng katawan, palagiang paghuhugas ng kamay, at paggamit ng face mask.
“Bilang isang Nurse, bago pumasok ang aming mga kapwa empleyado ay aming sinisiguro na sila ay may suot na face mask at pagkatapos, sila ay pinapagamit namin ng alcohol para masigurong sila ay malinis bago sila lumapit sa ating mga residente.” ani Bb. Llyn
Patuloy at paulit ulit nilang iminumulat ang mga residente at kapwa kawani sa sitwasyon na kinakaharap ng ating bansa, “Sa aming center na hindi lahat ng bata ay madaling nakakaintindi sa mga pangyayari, talagang mahirap ang aming sitwasyon. Ngunit hindi kami tumitigil na tulungan silang maunawaan na kailangan naming magtulungan upang mapanatili silang malusog.” saad ni G. Ocbina
Pagmamahal sa mga residente, lalo na sa mga bata, na tinuturing na nilang kanilang sariling pamilya ang dahilan ng kanilang walang humpay na pagbibigay ng serbisyong may malasakit. Para sa kanila, ang tungkuling kanilang ginagampanan ay hindi lamang basta trabaho, ngunit isang tungkuling parte na ng kanilang pagkatao na kaakibat ng kanilang sinumpaan bilang medical social workers.
“Sa aming mga kapwa frontliners na patuloy na ibinubuwis ang sariling buhay makapaglingkod lamang sa bayan, atin lamang ipagpatuloy ang ating nasimulan. Anumang pagsubok ang dumating, palagi tayong kumapit sa Panginoon at magdasal na atin itong malampasan. At sa aming mahal na ahensya, maraming salamat sa inyong suporta. Marami man ang mga masasakit na paratang, tayo ay patuloy pa ring maglilingkod at magbibigay ng serbisyo sa ating kapwa.” – Bb. Cashmyre, Bb. Llyn at G. Ocbina. ###