Ang Samahang Pantawid Pamilya Mushroom ng Maybunga o SPPMM ay isang samahan na binubuo ng dalawampu’t pitong (27) miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na naninirahan sa Barangay Maybunga, Pasig City. Ang Samahan ay nabuo bunga ng sama-samang pagkilos ng may malasakit at pagtutulungan ng mga sumusunod na institusyon: DSWD Pantawid Pamilya NCR; Live for Others Movement Inc. (LFO); at ng Lokal na Pamahalaan ng Pasig ganun din ng Barangay Maybunga.
Magtanim ay hindi biro…
Nagsimulang mabuo ang Samahan sa ilang buwan nilang pagsasanay sa pag-aalaga at pag-papalago ng mga kabute (oyster mushroom) mula sa kanilang Family Development Sessions na pinangunahan ng LFO noong buwan ng Abril hanggang Hunyo 2019. Matapos ang kanilang pagsasanay ay minabuti ng Samahan na magkaroon ng isang sustainable communal garden upang maisabuhay nila ang kanilang mga natutunan sa kanilang FDS at upang hindi masayang ang kanilang nasimulan gayun din ang pagnanais nila na magkaroon ng dagdag na pagkakakitaan mula sa pag-aalaga ng oyster mushrooms.
Hindi naging madali ang pagsisimula ng samahan dahil sa kakulangan nito ng sistema sa pamamalakad ng communal garden at sa kakulangan na rin nila sa mga resources. Hindi gaanong kumikita ang Samahan dahil walang masyadong naani dahil sa mababang kalidad ng mga kabute. Nahirapan din ang Samahan na mapanatili ang kaayusan nito. Kaya naman upang mapanatili ang kanilang gulayan, nagdesisyon noong ika-24 ng Hulyo 2019 ang Samahan na magkaroon sila ng sistema at istraktura sa pagpapatakbo ng gulayan sa pamamagitan ng pag-gabay ng Kagawaran. Nagtalaga ang mga miyembro ng Samahan ng kanilang mga pinuno na mangunguna at gagabay sa kanila. At upang magkaroon din ng pagkakakilanlan ang grupo ay nagkasundo din sila na pangalanan ang kanilang samahan bilang Samahang Pantawid Mushroom ng Maybunga o SPMM (sa kasalukuyan ay Samahang Pantawid Pamilya Mushroom ng Maybunga). Sinundan ito ng ibat-ibang aktibidades na pinangasiwaan ng Programa na makapagpapalago sa kakayanan ng samahan tulad ng mga sumusunod: pagsasanay tungkol sa pagpapadaloy ng pulong at paggawa ng katitikan ng pulong; pagsasanay tungkol sa pagpaplano na nakaangkla sa prinsipyo ng Participatory Situational Analysis; pagsasanay sa paghawak at pamamahala ng kaperahan ng samahan; at pag-aaral tungkol sa mga responsibilidad ng mga pinuno ng samahan at pagbalangkas ng Constitution at By-Laws ng isang samahan.
Sa katunayan ay nasaksihan ng Programa ang pagsasapormal ng organisasyon noong ika-27 ng Pebrero 2020 ng isagawa ng samahan ang pagtanggap at pagapruba ng kanilang Constitution at By-laws gayun din ang pormal na pagtatalaga ng kanilang mga lider sa pamaagitan ng Pangkalahatang Kapulungan ng Samahan.
Bayan ang aani sa bunga ng Maybunga…
Pangarap ng SPPMM na maging isang ganap at nagkakaisang samahan na magsisilbing daluyan ng positibong pagbabago sa komunidad. Nilalayon din nito na maging isang pormal na organisadong grupo na kikilalanin ng komunidad at ng lokal na pamahalaan na kaagapay sa pagpapaunlad ng lipunan sa pamamagitan ng: patuloy na paghuhubog ng kakayahan, kaalaman at talento ng bawat miyembro ng samahan upang maibahagi ang mga ito sa komunidad; sama-samang pagkilos ng may malasakit tungo sa pagunlad; at pag adbokasiya ng GULAYAN SA BARANGAY.
Kaya naman, bilang bahagi ng kanilang adhikain na maging isang samahan ay pinili rin nilang maging ehemplo sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng pagtulong at pagkakawanggawa para sa bayan at sa mga kapuwa nila hirap din sa buhay. Ilan sa mga naging gawain ng samahan ay ang mga sumusunod: pagboluntaryo sa Red Cross upang mag-iimpake ng mga food packs at magdonate ng mga damit at delata noong ika-8 ng Pebrero para sa mga nasalanta ng pagputok ng Bulkang Taal noong ika-12 ng Enero 2020; nagsagawa din sila ng feeding program at pagtuturo sa pagkakaroon ng malusog na pangangatawan sa pamamagitan ng pagkain ng mga masusustansiyang pagkain noong ika-15 ng Pebrero para sa mga bata sa Floodway, Maybunga; at nakikpag-ugnayan narin ang samahan sa isang religihiyosong samahan upang makatulong sa simbahan.
Sa pagsusumikap ng Samahan na patuloy na maging ganap na isang organisadong grupo ay tiyak na aani ang bayan sa bunga ng Maybunga!
Tunghayan ang kuwentong tagumpay bunga ng sama-samang pagkilos ng may malasakit ng Samahang Pantawid Pamilya Mushroom ng Maybunga.