Ang kuwento ni Nanay Jiazmin C. Cagoyong at ng kaniyang anak na si Frances Irene ay kuwento ng tagumpay.
Si Jiazmin ay isang aktibong miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa San Miguel, Pasig City. Siya ay kasalukuyang Barangay Health Worker ng San Miguel Health Center at dating Parent Leader sa kanilang parent group. Siya ay mayroong apat na anak na sina April Renjie, Frances Irene, EJ at Jordan.
Tulad ng iba pang mga magulang, pangarap din ni Jiazmin na mapagtapos ang kaniyang mga anak at hindi nga ito nabigo dahil ang kaniyang anak na si Frances Irene ay nakapagtapos ng kolehiyo nitong 2019 na may kursong B.S. Chemistry sa Polytechnic University of the Philippines. SIya ngayon ay lisensiyadong Chemist na at kasalukuyang nagtratrabaho sa Davies – Paint Reinvented.
Ang pag-abot ng mga pangarap ni Frances Irene at ng kaniyang ina ay hindi naging madali. Taong 2015 ng makapasa si Frances Irene sa PUP Sta. Mesa sa kursong BS Chemistry sa ilalim ng Kolehiyo ng Agham. Sa kaniyang unang taon palang ay ramdam na niya ang mga pagsubok na kaniyang haharapin; traffic mula Pasig hanggang Sta. Mesa, mga proyekto, at iba pang school requirements na nangangailangan ng pinansiya. Hindi man naging madali ay nakaalpas si Frances para makatungtong sa 2nd year college.
Sa kaniyang ikalawang taon ay naging mas mabigat at magastos ang pagpasa ng mga school requirements. Kaya naman hindi na siya sigurado kung paano pa siya makakapagtapos. Ngunit sa pambihirang pagkakataon ay naimbitahan siya ng Office of Student Affairs upang mag-apply sa Expanded Students’ Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGPPA) kung saan siya ay natanggap bilang iskolar.
Nagpatuloy si Frances sa pagpupursigi sa pag-aaral na sinamahan pa ng sipag at tiyaga kung kaya’t nitong 2019 ay nakapagtapos siya at isa na ngayong Licensed Chemist.
Lubos din ang naging pasasalamat ni Frances bilang isa ang kanilang pamilya sa naging miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Nang dahil sa Programa ay natutunan niya kung paano paunlarin ang sarili, at maniwala na lahat ay posible basta’t magtiwala sa proseso at patuloy na matuto.