Ito ang pinatunayan ng mga miyembro ng Samahang Pantawid Pamilya Mushroom ng Maybunga (SPPMM) na binubuo ng dalawampu’t pitong (27) aktibong miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Barangay Maybunga, Pasig City.
Matapos ang pamamahagi ng tig-lilimang kilong (5 kilos) bigas sa bawat miyembro ng kanilang samahan noong ika-23 ng Marso 2020 ay nagsagawa naman ng “itlog challenge” ang nasabing samahan na naglalayong lumikom ng mga itlog upang ipamahagi sa mga frontliners ng Floodway, Maybunga, Pasig City na patuloy na nakikibaka upang masugpo ang pandemyang sakit na COVID-19. Kaya naman, bunga ng sama-samang pagkilos na may malasakit ang mga miyembro ng SPPMM ay nakalikom sila ng limangdaan, apatnapung (540) pirasong itlog mula sa kanilang mga sariling bulsa at ito ay kanilang naipamahagi sa limapu’t apat (54) na frontliners sa kanilang komunidad.
Ang “itlog challenge” ay munting pasasalamat ng samahan at pagtanaw na rin ng utang na loob sa mga sakripisyong ibinibigay ng mga frontliners upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa kanilang lugar. Nagpaplano na rin sa kasalukuyan ang samahan sa ikalawang bahagi ng tinagurian nilang itlog challenge.
Ayon kay Nanay Elizabeth Catequista, ikalawang-Pangulo ng SPPMM, “Gusto naming patunayan na sa positibong pagtugon ng bawat isa at sa sama-samang pagkilos ng may malasakit maliit man o malaking bagay basta mula sa puso ay mapagtatagumpayan natin ang pandemyang nararanasan natin ngayon. Kaya naman, hinihikayat namin ang bawat isa lalo na ang mga kapuwa naming benepisyaryo ng Programa na walang imposible sa bayang nagkakaisa at nagtutulungan. ”
Ang SPPMM ay naorganisa ng DSWD Pantawid Pamilya NCR sa tulong ng Live For Others Movement at ng Lokal na Pamahalaan ng Pasig.