Mula ika-15 ng Marso hanggan ika-15 ng Mayo ay isinailalim sa Enhanced Community Quarantine ang National Capital Region (NCR) at iba pang rehiyon sa Luzon dahil sa banta ng COVID-19. Samantala, nito lamang ika-16 ng Mayo ay pinaiiral naman ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa buong NCR.
Upang maiwasan ang paglaganap ng kaso ng COVID-19, alinsunod na rin sa patakaran ng ECQ, ang mga lokal na pamahalaan ay nagpatupad ng lockdown kung saan pansamantalang natigil ang operasyon ng mga pampublikong transportasyon, pansamantalang pagsasara ng mga non-essential establishments, pag-iwas sa mga pampublikong pagtitipon, limitadong paglabas ng mga tao, at higit sa lahat ay pansamantalang pagtigil sa trabaho ng mga tao.
Dahil na rin sa malawakang epekto ng ECQ, inilunsad ng DSWD ang Social Amelioration Program (SAP) at sa ilalim naman nito ay nagkaroon Emergency Subsidy ang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program kung saan sila ay tatanggap ng P6650.
Samantala, sa Northville 2, Bignay, Valenzuela City naman ay nagtulong-tulong ang mga miyembro ng Pantawid na nakatanggap ng Emergency Subsidy upang mabahaginan ng tulong ang mga kapwa nila mamamayan na hindi nakatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.
Mula sa mga nalikom na donasyon mula sa kapwa miyembro ay nakabili ng bigas, canned goods, noodles, gatas, at mga damit na maaari pang mapakinabangan. Sila ay nakapagrepack ng 38 packs ng relief goods para sa mga Senior Citizens, PWDs, E-Trike drivers, at mga hindi kasapi ng Pantawid Pamilya.
Hindi biro ang krisis na ating kinakaharap ngayon, ngunit hindi rin ito naging hadlang para sa ating mga kababayan upang maipamalas ang diwa ng bayanihan.
#4PsBayanihan