Si Perly B. Cañete ay isang Parent Leader mula sa Group Samahan ng Masigasig mula sa3 Barangay Merville, Parañaque City. Siya ay may tatlong anak na pawang mag-aaral ng Kalayaan Elementary School at Kalayaan National High School. Samantala, ang kaniyang asawa naman ay isang construction worker na kumikita ng P6,000 hanggang P10,000 kada buwan na kung tutuusin ay hindi sapat upang matugunan ang pangangailangan ng pamilya. Kung kaya’t laking pasasalamat ni Nanay Perly nang ito’y mapabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) taong 2011.
Maliban sa pagiging parent leader, si Nanay Perly ay isa ring Assistant Treasurer sa Manggahan Association Group sa kanilang barangay. Ang pamilya ni Nanay Perly ay masugid na tumatalima sa mga kondisyon ng Programa kung kaya’t regular din silang nakakatanggap ng cash grants na kanila namang ginagamit upang mapag-aral ang kanilang mga anak at matustusan ang mga pangangailangan nito. Kanila ding ikinikintal sa kanilang mga puso at isinasabuhay ang mga natutunan sa mga Family Development Sessions (FDS). Isa na nga rito ay ang usapin ng Urban Gardening na nakita namang oportunidad ni Nanay Perly upang ipagpaalam ang bakanteng lote sa kanila at ito’y tamnan ng mga gulay.
Sa kasalukuyan, mayroon ng gulayan at manukan sina Nanay Perly at katuwang niya dito ang kaniyang asawa sa pamamahala at pagpapanatili nito. Ang mga tanim sa kanilang gulayan ay kalabasa, patola, upo, saluyot, gabi at saging. Mayroon din silang mga alagang native na manok at mga pato. Ang mga alaga naman nilang 45-days old na mga manok ay naubos nitong magkaroon ng pandemya dahil ang iba’y inilapag nila sa kanilang hapag habang ang iba naman ay ipinamahagi sa mga kapit-bahay na kapuwa nila ay dumaranas din ng hirap ngayong pandemya.
Napakalaking tulong ang naidulot ng gulayan sa pamilya ni Nanay Perly dahil sila’y nakakatipid at mayroon pang libreng mapagkukunan ng masustansiyang pagkain na sa panahon ngayon ay lubos na kailangan. Buong sigla ding ipinagmamalaki ni nanay Perly na halos apat na taon na silang naggugulayan ng kaniyang pamilya at sa buong panahon na iyon ay hindi siya kailanman gumamit ng fertilizers upang mapalago ang mga pananim.
Si Nanay Perly na mayroon mang iba’t-ibang tungkuling ginagampanan ay sinisiguro pa rin na naaalagaan at nababantayan ang kaniyang mga pananim dahil hindi lang ito malaking tulong sa kanilang pamilya pagkat maging mga kapit-bahay at kapuwa Pantawid Pamilya members ay natutulungan din nila sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga inaani mula sa kanilang gulayan. Ika nga ni Nanay Perly, wala man silang pera na maitutulong sa kanilang mga kapit-bahay ay mayroon naman silang mga aning gulay na puwedeng ipamahagi.
Nang dahil sa pang-kalusugang krisis ay muling napatingkad ang bayanihan at pagkakapuwa ng mga tao at naipakita rin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng gulayan. Kung kaya’t hinihikayat din ni Nanay Perly ang kaniyang mga miyembro na magkaroon din ng gulayan sa kani-kanilang bakuran.