#4PsBayanihan


Sa gitna ng krisis na ating kinakaharap ay nagawa pa rin ng pamilya ni Nanay Dulce Luzano, miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa National Capital Region na nagpakita ng malasakit at tumulong sa kapuwa na apektado din ng kasalukuyang pangkalusugang krisis. 
Ang kaniyang panganay na anak na si Mark Anthony Luzano, sa tulong na rin ng mga kaibigan at kapuwa miyembro ng Pantawid Pamilya ay nagtulong-tulong na mabuo ang #OplanSendNudels na isang youth organization na naglalayong makalikom ng tulong para sa mga higit na nangangailangan at apektado ng nagdaang implementasyon na Enhanced Community Quarantine sa Barangay BF Homes.


Noong ika-18 ng Abril 2020, ang #OplanSendNudels ay nagawang makalikom ng humigit-kumulang na Php29,770 na nakatulong sa 126 pamilya o 861 na indibidwal, at higit 50 na front liners. Umabot sa ikatlong wave ang donation drive ng organisasyon dahil na rin sa ekstensiyon ng ECQ sa Kalakhang Maynila. 


Dagdag pa sa tulong na nagawa ng #OplanSendNudels, si Nanay Dulce, mula sa kaniyang kita sa pananahi at pagtitinda ng basahan ay nagbahagi din ng tulong sa mga frontliners sa pamamagitan ng pagluluto ng meryenda gaya ng biko at puto. Ang kaniyang asawa naman na kaniyang katuwang sa pananahi ng basahan ay siya namang tagapag-hatid ng mga niluto ni nanay para sa mga front liners.


Bilang parent leader, tumulong din si Nanay Dulce sa evaluation at distribusyon ng Social Amelioration Cards (SAC) sa barangay. Bukod sa pagtulong sa pagbibigay ng SAC, nakibahagi din ang pamilya ni Nanay Dulce sa paglilista ng mga sambahayan na lubos na apektado ng ECQ at sila’y makakatanggap ng ayudang gift check na nagkakahalaga ng isang libong piso mula sa Oplan Damayan ng CARITAS Parañque Foundation.  

Ang pamilya ni Nanay Dulce ay hindi ligtas sa epekto ng krisis na ito ngunit hindi ito naging hadlang upang magpamalas sila ng pagmamalasakit sa kapuwa.

Please share