#4PsBayanihan
Ang Pamahalaan ay naglunsad ng Social Amelioration Programs (SAPs) sa pamamagitan ng DSWD. Ito’y naglalayong mabigyan ng ayuda ang mga kababayang lubos na naapektuhan ng krisis na dulot ng COVID-19. Kasabay ng paglulunsad ng SAP ay ang muling pag-ugong ng usapin ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program matapos makatanggap ang mga miyembro ng Php 6,500 sa Kalakhang Maynila.
Hindi naman nagpaapekto dito ang mga miyembro ng isang grupo ng Pantawid Pamilya sa Veinte Reales, Valenzuela City. Bagkus ay higit nilang ipinakita ang pagpapahalaga nila sa bawat sentimong kanilang natanggap mula sa SAP sa pamamagitan ng pagbili ng mga pagkain na i-iimbak para sa kanilang pamilya. Bukod pa rito ay nagbigay din ang mga miyembro sa pamumuno ni Nanay Jean Gaban ng bahagi ng kanilang natanggap na SAP upang makabili ng canned goods, bigas, noodles, at hygiene kits na siyang inirepack upang maipamahagi sa kanilang komunidad na hindi sakop ng Programa. Layon nilang mabigyan ang iba pang mga maralita gaya ng mga Senior Citizens, Persons with Disabilities (PWDs), Solo Parents, at pedicab drivers na lubos na naapektuhan dahil sa krisis na ito.
Patunay si Nanay Jean at ang mga miyembro ng grupong Durian na walang malaki o maliit kung ang hangarin ay kabutihan ng nakararami at makatulong sa mga kapuwa mamamayan.