#4PsBayanihan

Si Irene Perez, ina, mamamayan, Purok Leader, Barangay Health Worker at isang Parent Leader ng Pantawid Pamilya na nagpamalas ng malasakit para sa kaniyang kapuwa higit lalo ngayong sumasailalim pa rin ang bansa sa pang-kalusugang krisis bunsod ng COVID-19.

Ang kuwento ng pagiging miyembro ng pamilya ni Nanay Irene sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (PPPP) ay nagsimula noong 2012. Si Nanay ay may tatlong anak sa kaniyang asawa. Mayroon na rin siyang dalawang apo. Laking pasasalamat ni Nanay Irene sa Programa dahil natulungan nito ang kaniyang mga anak lalo na sa gastusin sa pag-aaral. Kasabay nito, siya rin ay nahirang maging Parent Leader na walang pag-aalinlangan naman niyang tinanggap. Hindi niya rin alintana ang oras basta makapaghatid lamang ng impormasyon sa kaniyang mga kapuwa miyembro ng Pantawid Pamilya. Kahit gabi ay naglilingkod at sinasadya niyang paalalahanan ang mga ito tungkol sa mga dokumento na kailangang ipasa sa Programa.

Samantala, si Nanay Irene ay limang (5) taon na ring Barangay Health Worker. Ipinahayag naman niya ang galak na nadarama sa tuwing ito’y nakakatulong at nakakapaglingkod sa kaniyang kapuwa. Napapawi rin ang kaniyang pagod sa tuwing ito’y may natutulungan.

Liban sa pagiging Barangay Health Worker, si Nanay Irene ay higit sampung (10) taon ng purok leader sa Block 18 Extension, Barangay 649 (Baseco), Port Area, Manila kung saan sinisiguro na naipapaabot niya sa kaniyang nasasakupan ang mga napapanahong impormasyon at kaganapan sa kanilang barangay. Ngayong humaharap pa rin ang bansa sa pang-kalusugang krisis dulot ng COVID-19, ay aktibo si Nanay Irene sa pamamahagi ng mga bigas at delata mula sa barangay at iba pang mga indibidwal at organisasyon na nagpaabot ng tulong sa kaniyang mga nasasakupan at kapuwa miyembro ng Programa. Dagdag pa rito, naging bahagi din si Nanay Irene ng iba’t ibang proyekto sa kanilang barangay gaya ng Clean and Green at Bantay Kalusugan na naglalayong pabutihin ang kalusugan ng mga batang taga-Baseco na maituturing na malnourish. Ito ay sa pamamagitan ng pagsali sa kanila sa feeding program. Marami man ang tungkuling ginagampanan ay hindi alintana ni Nanay Irene ang maghatid ng serbisyong may malasakit lalong-lalo na sa kaniyang mga kabarangay. Mataas na pagpupugay ang ibinibigay ng Programa sa mga katulad ni Nanay Irene na patuloy na naglilingkod at nagpapamalas ng malasakit sa kapuwa lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Please share