#4PsBayanihan
Tunay ngang sa gitna ng krisis mas umiigting ang kabutihan at pagmamalasakit sa kapuwa. Isa si Nanay Nerissa Gallo, miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa Kalakhang Maynila na nagpamalas ng malasakit para sa kaniyang kapuwa.
Si Nanay Nerissa ay may malaking pamilya. Sa kasawiang-palad, apat sa labing anim niyang minamahal na mga anak ay pumanaw dahil sa diarrhea taong 1998, 2000, at 2001. Maaga mang nawala ang mga anak ay patuloy pa rin ang daloy ng buhay ayon kay Nanay Nerissa.
Ang asawa naman ni Nanay Nerissa na si Tatay Jimmy ay nangingisda upang may maipangtustos sa pangangailangan ng kanilang malaking pamilya. Tumutulong naman si Nanay Nerissa sa pagtitinda ng mga isda. Hindi naging madali ang pinagdaanan ng pamilya ni Nanay Nerissa kung kaya’t laking pasasalamat nito nang mapabilang sa Programa taong 2008. Dahil dito, tatlo sa kaniyang mga anak ang patuloy na nabibigyan ng tulong pang-edukasyon ngayong sila ay nasa hayskul at elementarya.
Dahil sa tulong na rin ng Programa at malasakit para sa kapuwa, si Nanay Nerissa sa ngayon ay magtatatlong taon ng Barangay Health Worker sa Barangay 649 sa Maynila. At ngayong sumasailalim tayo sa pandemya ay mas higit pang naipamalas ni Nanay Nerissa ang malasakit sa kapuwa nang ito’y mapabilang at walang pagdadalawang-isip na ginampanan ang tungkulin bilang kasapi ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERT).
Si Nanay Nerissa din ang isa sa mga unang itinalagang taga-hatid at taga-sundo ng mga kabarangay nilang nagpositibo sa COVID-19. Hindi inalintana ni Nanay Nerissa ang takot na mahawaan mapaabot lamang ang walang labis na paglilingkod. Labis din ang tuwa na nadarama ni Nanay Nerissa sa tuwing makakauwi ang mga nagpositibo sa COVID-19 sa kani-kanilang tahanan ng ligtas at negatibo na sa sakit. Simpleng pasasalamat mula sa kaniyang mga kabarangay ay napakalaking bagay na para kay Nanay Nerissa.
Ngunit isang nakakalungkot na balita ang bumungad kay Nanay Nerissa nang ito ay mag-positibo sa COVID-19 sa pamamagitan ng rapid test noong ika-13 ng Abril at inabisuhan na mag-home quarantine sa loob ng labing-apat (14) na araw. Tila ba pinagsakluban ng langit at lupa ang nadama ni Nanay Nerissa. Dumagdag pa rito ang diskriminasyon na kaniyang naranasan dahil sa ito ay nagpositibo sa COVID-19 na siya naman nitong ikinalungkot ngunit mas pinili pa rin ni Nanay Nerissa na intindihin at unawain ang mga taong nakapaligid sa kaniya. Pinagpupugayan ng Programa ang mga katulad ni Nanay Nerissa na sa gitna ng pandemya ay hindi nagdalawang-isip umaksyon, gumampan ng tungkulin, magpamalas ng malasakit at malawak na pang-unawa, higit pa ay naglingkod ng labis-labis upang makatulong sa pagtugon sa krisis pangkalusugan na kinakaharap ng kaniyang komunidad.