Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office – NCR (FO-NCR) ay magsasagawa ng direct payouts para sa “unserved” na mga kwalipikadong benepisyaryo ng SAP 2nd Tranche at Waitlisted dahil sa mga sumusunod:
1. Matatandaan na nagkaroon ng hindi sinasadya at inaasahang aberya ang pamamahagi ng nasabing ayuda (SAP 2nd tranche at Waitlisted). Bilang paglilinaw, walang kinalaman ang mga alkalde sa naging aberya.
2. Ang DSWD sa pakikipag-ugnayan sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ay kinuha ang serbisyo ng Financial Service Providers (tulad ng Union Bank, Paymaya, at Robinsons Bank para sa NCR) upang magpamahagi ng ayuda ayon sa listahan na binigay ng National DSWD.
3. Bilang pagsasaayos ng nasabing isyu, natukoy ng DSWD na tumagal ang digital payouts sapagkat hindi lahat ng kwalipikadong benepisyaryo ng 2nd Tranche at Waitlisted ay mayroong mga electronic gadgets na kinakailangan sa digital payouts, kung saan magiging epektibo ang paggamit ng Financial Service Providers.
4. Kung kaya’t minarapat ng DSWD na magsagawa na lamang ng direct payout matapos i-terminate ang serbisyo ng mga Financial Service Providers (tulad ng Union Bank, Paymaya, at Robinsons Bank para sa NCR) batay sa rekomendasyon ng FO-NCR at upang matugunan ang mga isyu hinggil sa pagkaantala ng distribusyon ng ayuda.
5. Para maisagawa ito, kukunin muli ng DSWD sa tulong ng Bangko Sentral ng Pilipinas mula sa mga Financial Service Providers (tulad ng Union Bank, Paymaya, at Robinsons Bank para sa NCR) ang pondong nakalaan sa ayuda.
6. Kaugnay nito, minarapat naming makipag-coordinate at magpatulong muli sa mga LGUs upang maayos na maibahagi ang mga ayuda.
7. Asahan natin na ihahanda ng DSWD ang kaukulang listahan upang maging batayan ng 2nd Tranche at Waitlisted ng Bayanihan.
8. Matapos naming maisaayos ang listahan, mag-uumpisa ang manual payouts at tinitiyak na matatapos ito sa lalong madaling panahon.
9. Lilinawin namin na ang listahan na aming ilalabas ay galing sa National DSWD at walang kinalaman ang LGUs sa paggawa nito.
Kung may mga isyu at katanungan hinggil dito, maaaring tawagan ang Agency Operations Center sa mga numerong:
GLOBE: 09162471194;
SMART: 09474822864:
SUN: 09329333251; o i-text ang 0918912283.
Maaari rin tawagan ang FO-NCR sa mga numerong:
SMART: 09615816090;
GLOBE: 09685225195; o i-text ang 09189122813 o magtungo sa opisyal na Facebook Page ng FO-NCR at Central Office
Maaari ring magtungo o dumulog ang mga may katanungan sa Grievance and Appeals Desk na pinamunuan ng City Social Welfare ng Lokal na Pamahalaan.
Paalala ng ahensya sa mga magtutungo sa mga payout venues na magsuot ng face masks, face shield, dumistansya at maghugas ng kamay. ###