Ang Department of Social Welfare and Development – National Capital Region ay patuloy na nagsasagawa ng payout para sa “unserved” na benepisyaryo ng Emergency Subsidy Program – Social Amelioration Program (SAP 2nd Tranche at Waitlisted) sa iba’t ibang barangays sa Lungsod ng Quezon simula pa noong Mayo 14, 2021.
Nang i-terminate ang serbisyo ng Financial Service Providers, nagsagawa ng manual payouts ang DSWD NCR upang maiparating sa madaling panahon ang ayudang nararapat sa ating mga kababayan na lubhang naapektuhan ng pandemya at pagdedeklara ng Quarantine Restrictions sa National Capital Region. Partikular sa naturang programa, sinisikap ng bawat kawani ng DSWD NCR na buong pusong gampanan ang paghahatid ng Serbisyong May Malasakit.
Nitong ika-18 ng Mayo, isinagawa ang aktibidad sa Barangay Payatas sa Quezon City na ginanap sa Justice Cecilia Munoz, Palma High School kung saan matagumpay na nabigyang tulong ang 1,741 benepisyaryo. Bagama’t malaki ang naturang Barangay at marami ang target na benepisyaryo, matagumpay na natapos ang aktibidad mula ika-14 ng Mayo 2021 hanggang ika-18 ng Mayo, 2021.
Pinasalamatan din ng Barangay Council sa pangunguna ni Kapitan Manuel N. Guarin ang DSWD NCR SAP Team at LGU Coordinator, Ms. Chorrie Lou Digneneng. SInabi ni Kagawad Noeme F. Pulmones sa kanyang Facebook Post na “hands-on at personal na tumulong” si Ms. Digneneng at ang payout team members ng FO NCR.
Mayroon mang mga naging pagsubok sa pagpapatupad katulad na lamang ng mga taong nagpupunta na wala sa listahan at nagbabakasakaling mabigyan ng ayuda. Naipaliwanag at nabigyang-linaw ng mga kawani ng DSWD ang mga proseso sa pagbibigay ng ayuda at binanggit din ng DSWD NCR ang iba pang programa ng Departamento na makatutulong sa kanilang mga tugon at pangangailangan.
Katuwang ng DSWD NCR ang Konseho ng Barangay Payatas at maging ang Pamahalaang Lungsod ng Quezon na aktibong tumulong upang maging matagumpay at mapayapa ang nasabing aktibidad.
Magpapatuloy ang nasabing Direct Payouts sa iba pang Barangays ng Quezon City at lubos ang pasasalamat ng ahensya sa LGU partner sa nasabing implementasyon. ###