18 June 2021 – Matagumpay na natapos ang pagsasagawa ng pagtanggap ng hinaing patungkol sa Inisyal na Talaan ng Pamilyang Nangangailangan sa pamamagitan ng mga binuksang Community Desks sa 1,553 na barangays sa National Capital Region bilang bahagi ng Validation and Finalization Phase ng – Listahanan 3 Project o 3rd Round National Household Assessment ng National Household Targeting Section ng DSWD NCR.
Nagsimula ang aktibidad na ito, Pebrero ng taong kasalukuyan kasabay ng pagpapaskil ng mga Inisyal na Talaan ng Pamilyang Nangangailangan na nakalap noon isinagawa ang Data Collection Phase ng Proyekto. Isinasagawa ang Validation and Finalization Phase upang masigurong kabahagi ang komunidad sa pag-update ng Database of Poor Households sa National Capital Region. Nais nang naturang proyekto na ang datos na makakalap ay komprehensibo upang magamit ng mga Social Protection Stakeholders sa kanilang mga proyekto at serbisyo.
Gayundin, sa pagtatapos ng pagtanggap ng hinaing sa pamamagitan ng Community Desks, nagtapos din ang pagtanggap ng hinaing sa pamamagitan ng Online Filing. Ito ay inilunsad kasabay ng pagkakaroon ng limitasyong makalabas sa kanya-kanyang tahanan dulot ng pandemya upang masiguro na lahat pa rin ay makakalahok sa isinagawang pagtanggap ng mga hinaing at ang lahat ay mananatiling ligtas sa pagsasagawa ng aktibidad na ito.
Ang mga nakalap na hinaing kung saan na-verify ng Area Supervisors na hindi na-interview ng Listahanan enumerator noong Data Collection Phase ay pupuntahan upang sumailalim sa household assessment o interview. Gayundin, ang mga sambahayan namang naghain ng hinaing na sila ay na-interview ngunit hindi napasama sa Inisyal na Talaan ng Pamilyang Nangangailangan na nakapaskil sa kanilang mga barangay ay dadaan sa pag-evaluate ng Barangay Verification Team at Local Verification Committee. Ang mga sambahayan na irerekomenda ng BVT sa LVC at papayagan ng huli ay sasailalim sa Household Reassessment kung saan, sila ay babalikan ng Listahanan Enumerators upang magsagawa muli ng Assessment.
“Patuloy kaming nagpapasalamat sa kooperasyon at aktibong partisipasyon ng barangay at Local Government Units na sa kabila ng pagpapatuloy ng pandemya, pinapagayan kaming pumasok sa kanilang mga lugar upang magsagawa ng pagtanggap ng hinaing. Kami muli ay bababa sa inyong mga komunidad upang isagawa naman ang Household Assessment/Reassessment sa inyong mga barangays upang masigurong mabigyang katugunan ang mga naghain ng hinaing at maipagpatuloy ang aktibidad ng Listahanan 3 upang sa gayon, tayo ay makapaglunsad na ng datos na kumpleto, totoo at sigurado,” ani Regional Director Tomas ng DSWD NCR.
Ang 3rd Round National Household Assessment ay isinasagawa upang bigyang-mukha at matukoy ang kainaroroonan ng mga kababayan nating mahirap upang sa gayon, magkaroon ng komprehensibong datos na maaring magamit ng mga Social Protection Stakeholders sa kanilang programa at serbisyo partikular sa paghahanap ng mga karapat-dapat na benepisyaryo. ###