Nakiisa ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Field Office National Capital Region (NCR) sa anim (6) na araw na pilot-testing ng Family and Youth Development Sessions Transformative Learning Intervention (TLIP) Pre-Testing Modules training na ginanap sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Kasama dito ang Field Offices ng Region III, V, VII, at NCR na sama-samang lumahok sa nasabing aktibidad. Ang aktibidad na ito’y naglalayong mapahusay ang positibong pagtugon ng mga miyembro ng 4Ps hinggil sa mga aktibidad at inisyatibo ng Family Development Sessions (FDS) at Youth Development Sessions (YDS) ng Programa.

Katuwang ng Field Office NCR ang Lokal na Pamahalaan ng Mandaluyong kung saan ginanap ang Pre-testing training sa Conference Hall ng Barangay Old Zaniga Mandaluyong City. Nilahukan ito ng pitong (7) mga benepisyaryong nakatira rin sa naturang siyudad.



Ibinahagi naman ni Angela Tubello, 49 na taong gulang, nakatira sa Brgy. Addition hills, Mandaluyong City at isa sa mga benepisyaryong lumahok sa Pre-testing Modules ang mga kaalaman na kanyang natutuhan mula sa anim (6) na araw na training.

“Ang mahalagang natutuhan ko sa ngayon sa aking sarili at sa buong pamilya ko ay ang monthly planner, schedule, at family fun calendar dahil kapag ito ay sinusunod mo at ginagawa mo araw-araw alam mo sa sarili mo at sa buong pamilya mo ang mga bagay na hindi mo nagawa sa buong araw”. – Ani ni Angela.

Kabilang din sa mga benepisyaryong lumahok sa Pre-testing mula sa Field Office NCR ay sina; Ma. Freda M. Flores , Helen O. Raymundo, Nelcita A. De Guzman, Frocia P. Aguillon, Lanie G. Quilaquil, Nannette C. Tolo.



Masaya namang ibinahagi ni Area Coordinator Aileen Salsinha na ang mga ganitong aktibidad ay sanhi ng pagkakaroon ng hangarin ng Programa na mas lalong mapaunlad pa ang kakayahan ng mga benepisyaryo at mas lalong maging angkop ang mga ito sa darating na New Normal sa bansa.


“Bilang isang program implementer, Napakahalaga na mabigyan ng akma at napapanahon na mga paksa ang ating mga miyembro sa pamamagitan ng FDS. Itong Transformative Learning Intervention Pre-Testing Modules ay magdadala sa ating mga miyembro sa panibagong yugto ng adult learning, kung saan maiaangat nito ang disenyo ng pag-aaral na hindi lang tungkol sa pagiging responsableng tao kundi, isang tao na humuhubog ng maayos at maunlad na pamilya tungo sa tuluyang pagtawid nito sa kahirapan.” – Kanyang Pagbabahagi.


Sa huling araw ng aktibidad, ginawaran naman ng Sertipiko ng Pagkilala ang mga benepisyaryo lumahok sa aktibidad gayundin ang mga facilitators na nanguna sa pagsasagawa ng mga leksyong nakapaloob sa anim (6) na araw na pagsasanay.


Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay ang pambansang istratehiya ng pamahalaan para sa mga mahihirap na Sambahayang Pilipino upang kanilang makamit ang maunlad na pamumuhay. Ito ang mandato ng Programa batay sa RA 11310 o mas kilala bilang “An Act Institutionalizing the Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps)”

Please share