Nag-aalab at punong-puno ng positibong pananaw, ganyan inilarawan ng grupong Gulayan sa Gulod mula sa Lungsod ng Quezon ang kanilang pagsali sa isinagawang 4th Regional Search for Best Communal Garden 2021 noong Nobyembre 9-11, 2021
Kahit nangangamba na baka hindi manalo, umusbong parin ang hangarin ng grupo na ipamalas ang kanilang sakripisyo at pagpupunyagin para sa kanilang hardin sa pagsali sa patimpalak na iyon.
“manalo man o hindi, basta ang importante ay lakas loob at buong tapang kami sumali” – Ani ni Jeanne Francisco, Kinatawan ng Gulayan sa Gulod.
Inilarawan naman ng buong grupo ang kahalagahan ng patimpalak na ito bilang isang instrumento upang maipakita at maiparamdam sa kanilang komunidad ang inisiyatibo at kahalagahan ng paggugulayan sa kanilang barangay sa kabila ng Pandemya dulot ng COVID-19 virus.
“Hindi man madali at kahit kakaunti na lang kami ay hinding hindi kami hihinto, sapagkat ang lahat ng ito ay para din saamin, na kung saan ay may kakaunti kaming pantawid gutom batay sa ikinwento ng grupo sa mga nakaraan nitong pagpupulong”. – Dagdag pa ni Jeanne.
Dahil sa kanilang bayanihan at maayos na pakikipag-ugnayan sa bawat isa, kahit bago pa sa laranagan ng paggugulayan ang nasabing grupo ay nakamit parin nila ang “People Choice Award” na siyang nagbigay sa kanila ng inspirasyon at karangalan para sa kanilang pagod at kasipagan sa kanilang gulayan.
Itinanghal namang kampeyon sa nasabing patimpalak ang Sucat Paradise Garden mula sa Lungsod ng Muntinlupa, sinundan nito ng Samahan ng Pantawid Pamilya Mushroom ng Maybunga mula sa Lungsod ng Pasig, at huli ang Friendship Garden na mula naman sa Lungsod ng Caloocan.
Ang Regional Search for Best Communal Garden ay taunang patimpalak na isinasagawa sa National Capital Region upang bigyan ng pagkilala at parangal ang mga natatangin grupo ng gulayan na nagpamalas ng kanilang positibong pagtulong at kontribusyon para sa kanilang komunidad. ##