Ang DSWD Field Office NCR ay nakikiisa sa Bureau of Fire Protection (BFP) para sa pagpapalaganap ng adbokasiya patungkol sa Fire Prevention Month na may tema ngayong taon na, “Sa Pag-iwas sa Sunog, Hindi ka Nag-iisa!”.
Maalalang sa bisa ng Proclamation No. 115-A at Proclamation No. 360 na nilagdaan ng dating Presidente na si Ginoong Ferdinand E. Marcos Sr. noong taong 1986, ang buwan ng Marso ay idineklara bilang “Buwan ng Pag-iwas sa Sunog” o “Burn Prevention Month” na mas kilala ngayon sa tawag na “Fire Prevention Month”.
Bilang suporta sa nasabing adbokasiya, kinapanayam ng DSWD Field Office NCR ang kauna-unahang babaeng District Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection Manila na si Senior Superintendent (SSupt) Christine Doctor Cula.
Sa video, ipinakilala ni SSupt Cula ang Bureau of Fire Protection at ipinakita ang mga pangunahing gamit ng nasabing ahensya para sa pag-apula ng sunog. Ipinaliwanag rin dito ang mga ilang dahilan o sanhi sa pagkakaroon ng mapanirang sunog at kung paano ito maaaring maiwasan at maapula.
Panoorin ang buong interview video sa Official Facebook page ng DSWD Field Office NCR, i-click ang link na ito: https://www.facebook.com/dswdfoncr/videos/222766520138173/
Ang pagtataguyod ng “kamalayan patungkol sa kaligtasan ng mga tao sa araw-araw at pag-iwas sa isang problema na maaaring malutas sa pamamagitan ng higit na pag-iingat, pagbabantay, kahinahunan, paggamit ng sentido komun, at paggalang sa batas”, ang kampanya sa buwan ng Marso.
Ang mga insidente ng sunog ay potensyal na nakamamatay at lubhang mapanganib, ngunit sa pamamagitan ng pagsunod sa mga pag-iingat na panukala mula sa mga awtoridad, mapipigilan natin ang mga hindi inaasahang sunog at insidenteng dala nito. ###