Tunay ngang wala ng mas hihigit pa sa pakiramdam na makapiling ang ating magulang lalo na kung maraming panahon na lumipas na hindi natin sila kasama. Sa loob ng anim na taon, ngayon ika-28 Pebrero 2023 pa lamang muli nahagkan ng inang si Mary Ann Baliguat, ang kanyang anak na si Mazzy Panopio (residente ng Elsie Gaches Village)
Taong 2015 nang matagpuan ng mga kawani ng CSWD-Calapan City, Oriental Mindoro ang Ina ni Mazzy Panopio na si Mary Ann Baliguat, na kapansin-pansing may di normal na kinikilos, at nagdadalang tao subalit hindi niya alam ang kanyang tunay na pangalan at maging ang lugar ng kanyang tirahan. Siya ay pansamantalang binigyan ng pangalan bilang Marites Panopio. Noong ika-11 ng Setyembre 2015, siya ay dinala sa National Center for Mental Health (NCMH) upang masuri matapos siyang makakitaan ng mental illness at nakumpirmang nagdadalang tao na nangangailangan ng atensyong medikal.
Makalipas ang dalawang linggo sa pangangalaga ng NCMH, Muling naalala ni Marites Panopio ang mga detalye tungkol sa kanyang buhay, pati na rin ang kanyang pangalan, na Mary Ann Baliguat, pangalan ng kanyang buong pamilya at maging ang kanilang tirahan sa Brgy. Mabini, San Jose, Occidental Mindoro.
Noong ika-16 ng Mayo 2016, isinilang ni Mary Anne and isang malusog na sanggol na babae at pinangalanang Mazzy Panopio ngunit dahil ang NCMH ay walang sapat na pasilidad at serbisyo para sa mga bagong silang na sanggol, Si Mazzy ay dinala sa DSWD-NCR Reception and Study Center for Children (RSCC) noong ika-14 ng Hulyo 2016, upang mabigyan ng pangangailangan at sapat na pangangalaga.
Oktubre 25, 2016 ayon sa NCMH, nakauwi na si Mary Ann sa kanyang kamaganak sa Sto. Nino, Ilaya, Batangas, at naiwan si Mazzy sa pangangalaga ng RSCC. Kung kaya’t ang social worker ng RSCC ay tumungo sa nasabing address subalit di naging madali ang paghahanap sa kanya, sapagkat ayon sa Brgy. Sto. Nino, walang Mary Ann Baliguat na nakatira sa nasabing lugar.
Sa loob ng maraming taon, si Mazzy ay nakitaan ng maayos na paglaki at malusog na pangangatawan. Subalit, ayon sa Developmental Assessment na isinagawa noong ika-4 ng Disyembre 2020, siya ay may kaunting delay sa aspeto ng receptive language at cognitive. na maaaring sanhi ng mental illness ng kanyang ina habang siya ay pinagbubuntis pa lamang.
Dahil sa espesyal na pangangailangan ni Mazzy, siya ay dinala noong ika-22 ng Nobyembre 2022 sa pangangalaga ng DSWD-NCR Elsie Gaches Village (EGV); tanggapan at kanlungan ng mga batang may Intellectual Disability.
Nagpatuloy ang paghahanap sa Ina at pamilya ni Mazzy, habang siya ay nasa EGV, ang social worker mula sa RSCC at EGV ay nagpatuloy sa pakikipagugnayan upang mahanap ang pamilya ng nawalay na bata, sila din ay nagsulat ng liham sa mga lugar na may kaugnayan kay Mary Ann, kabilang ang Batangas, Oriental at Occidental Mindoro. Dahil dito, noong ika-20 ng Enero 2023, ang opisina ng RSCC ay nakatanggap ng tugon mula sa MSWDO San Jose, Occidental Mindoro. Ayon dito, natagpuan nila ang pamilya ni Mazzy at mayroon itong Positibong resulta mula sa kanilang isinagawang Home Visitation at Assessment. Kanilang inirekomenda na si Mazzy ay maari ng makauwi sa kanilang tahanan.
Agad na ibinahagi ng RSCC ang magandang balitang ito sa EGV, kung saan naroon si Mazzy, nagpatuloy ang komunikasyon ni Ms. Abegail S. Sabucido, EGV Social Worker kay Ms. Mariel S. Patubo, MSWDO Social Worker para sa proseso ng paguwi ni Mazzy sa kanyang pamilya. Ang Rehab Team ng EGV ay nagsagawa ng Virtual Pre-Discharge Conference kasama ang magulang ni Mazzy at Social Worker mula sa MSWDO. Dito napagusapan ang mga interbensyon dapat pang gawin, kabilang na ang Social Preparation para kay Mazzy at sa kanyang pamilya at iba pang After Care Plan.
Ika- 28 ng Pebrero, 2023 nagtungo sa EGV, si Mary Ann Baliguat at Social Worker mula sa MSWDO San Jose, Occidental Mindoro upang dumaan sa proseso upang tuluyan nang maibalik si Mazzy sa custodiya ng kanyang mga magulang. At nang araw ding iyong, si Mazzy ay tuluyan nang naibalik SA PILING NG KANYANG PAMILYA.
Labis na nagpapasalamat si Mary Ann Baliguat, sapagkat muli na niyang nasilayan at nahagkan ang kanyang nawalay na anak. Ayon sa kanya, Minsan ay sumasagi sa kanyang isipan na baka naampon na ang kanyang anak sapagkat matagal na niya itong hindi nakikita, subalit madalas padin niyang ipinagdarasal sa Diyos na makita ang kanyang anak, at ang araw na pinakahihintay ay dumating na. ###