Sa patuloy na pagpapalawig at pagpapabilis ng pagbibigay serbisyo sa publiko, opisyal na binuksan ngayong araw, ika-27 ng Abril, 2023, ang tanggapan ng Kagawaran sa NCR, ang CAMANAVA Satellite Office na matatagpuan sa Victory Central Mall, Monumento, Caloocan City, at ang Baclaran Satellite Office na matatagpuan naman sa Victory Food Market, Brgy. Baclaran, Parañaque City.
Dinaluhan at pinasinayaan nila DSWD Secretary Rex Gatchalian, Undersecretary Pinky Romualdez, FO NCR OIC-Regional Director Michael Joseph J. Lorico, at ilan pang opisyal mula sa Kagawaran. Dumating din at nakiisa sa pagdiriwang na ito ang ilan sa ating mga katuwang sa pagbibigay ng serbisyo mula sa iba’t ibang Lokal na Pmahalaan.
“Hangarin ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS na makapagbigay ng agarang tulong sa mga nangangailangan sa panahon ng kagipitan at krisis. Mas mabilis na makakahingi ng tulong ang tao kung ito ay malapit sa kanila. Sa gabay at direktiba ng ating Secretary Gatchalian, at pagkatapos ng masusing talakayan at pagpaplano, ang pagbubukas ng Satellite Offices sa ilang lugar sa Kamaynilaan ay isa sa nakitang pinakamainam na solusyon upang ang tulong ay mailapit namin sa inyo. Kayo po ay naging bahagi sa aming mga pagpaplano sa pamamagitan ng inyong mga komento at suhestyon sa aming Social Media Accounts. Gayundin, Labis ang pasasalamat ng kagawaran sapagkat madami tayong partner stakeholders na mula sa pribadong sektor, ang patuloy na tumutugon sa ating paanyaya at ating katuwang sa patuloy na pagbibigay ng serbisyo sa publiko” ayon kay DSWD NCR OIC-Regional Director Lorico.
Nagpaabot din ng mensahe ng pasasalamat ang Kalihim ng Kagawaran, Hon. Gatchalian, para sa lahat ng kawani, partner stakeholders at implementers, na tumulong upang mapabilis at maisakatuparan ang pagtatatag at pagpapaigiting ng pagbibigay ng serbisyo publiko ng Kagawaran sa ilalim ng kanyang pamunuan.
Ang lahat ng serbisyo sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ay maaaring maavail sa mga nasabing tanggapan. Ilan sa mga serbisyong ito ay ang tulong medikal, tulong pampalibing at tulong pangtransportasyon.
Ang Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (DSWD) ay patuloy na maglilingkod at maghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan, higit sa mga nakakaranas ng kagipitan at nangangailangan.###
Para sa karagdagang impormasyon at/o kaalaman, maaaring bisitahin at/o tumawag sa mga sumusunod: