Pasay City–Mahigit 1.3 milyon ang naipamahaging tulong pangkabuhayan ng DSWD-NCR sa 134 pamilya noong ika-17 ng Mayo 2023 sa Eduardo Duay Calixto Training Center, Pasay City.

Ang bawat pamilya ay nakatanggap ng livelihood settlement grant (LSG) na nagkakahalaga ng 8,000 – 15,000 na kanilang magagamit upang maibangon muli ang kanilang mga negosyo na lubos na naapektuhan ng naganap na sunog sa Brgy. 144.

Ang pamamahagi ay pinangunahan ng mga kawani ng DSWD-NCR Sustainable Livelihood Program (SLP) mula sa diriktiba ni Acting Regional Director, Atty. Michael Joseph J. Lorico.

Samantala, personal naman na dinaluhan ni Pasay City Mayor Emi Calixto Rubiano ang nasabing distribusyon. Hinimok din niya ang mga benepisyaryo ng nasabing programa na alagaan at palaguin ang tulong na kanilang natanggap.

“Tulad ng isang binhi na kailangan alagaan, tanggalin ang nabubulok upang ang inyong binhi ay lumago, mamulaklak at mamunga. Sana sa darating na panahon makita namin na mas malaki na ang iyong negosyo. Hindi ito imposible, nandito kami upang sumuporta at tumulong,” dagdag ni Mayor Rubiano.

Labis naman ang pasasalamat ng mga pamilya na nakatanggap ng nasabing tulong. Ayon kay Erlinda Puno, “nagpapasalamat ako sa DSWD-NCR na nagkaroon ng ganitong pagkakataon na mabigyan ng tulong pangkabuhayan. Itong aking nakuha ay gagamitin kong pandagdag sa aking carinderia at ang matitira ay ilalaan ko sa pagpapaayos ng aking nasunog na tindahan.”

Ang LSG ay naglalayong magbigay ng tulong pinansiyal sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ang kabuhayan dahil sa mga sakuna tulad ng sunog, baha, landslide at iba pa. (Arjay G. Guarino/DSWD-NCR SLP)

Maagap at Mapagkalingang Serbisyo!

 

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD

#MayPusoAtRamdamAngSerbisyo

#SustainableLivelihoodProgram

#SLPNCR

Please share