Mandaluyong City | Magkakasunod na nagsipagtapos sa Elementary at Junior High School sina Marco, Daryl at Ogie, mga residente ng Haven for Children, nitong school year.
Unang dumalo sa kanilang moving up ceremony sa Junior High sa Jose Fabella Memorial School si ‘Ogie’ na dating batang lansangan.
Pangarap ng batang si Ogie na maging isang sundalo at ipagtanggol ang mga naapi dahil ito ang kanyang naging karanasan habang namumuhay sa lansangan. Natagal nanirahan sa kalye ang 18-anyos na bata nang maglayas sa kanilang bahay.
“Gusto ko silang ipagtanggol at pati na ang aking pamilya. Magsusumikap akong tapusin ang aking pag-aaral para sa pangarap kong ito. Sa pasukan, Senior High School na ako at pagkatapos nito, maghahanap ako ng trabaho at papasok sa pagka-sundalo.” wika ni Ogie.
Sunod namang nagtapos sa elementarya sina ‘Marco’ at ‘Daryl’ na parehong dati ay batang lansangan at ngayo’y mag-aaral ng nasabing paaralan. Namulat rin sa buhay lansangan ang dalawang bata at dumidiskarte para mabuhay.
Ang mga batang ito ay nasagip ng pamahalaan at naging residente ng Haven For Children kung saan bumalik ang kanilang sigla sa pag-aaral at muling naranasan ang pagiging bata na malayo sa kapahamakan ng lansangan.
Ang kuwento ng pagtatapos nina Ogie, Marco at Daryl ay patunay na kahit naligaw man ng landas, may pag-asa pang tinatanaw at may bagong umaga pang sisikat para sa pagpapabuti ng ating kinabukasan. Kailangan lamang nating magpatuloy sa pagsusumikap sa buhay.
Ang Haven for Children ay isa sa mga Residential Care Facility sa ilalim ng DSWD NCR na nangagalaga sa mga batang edad 7 hanggang 13 taong gulang, na nasa lansangan na may karanasan sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot tulad ng rugby at solvent. Ito ay matatagpuan sa 1771 Alabang-Zapote Road, Cupang, Muntinlupa City. Para sa iba pang impormasyon patungkol sa kanilang mga serbisyo at programa, maaaring tumawag sa numerong 8807-1591 at/o mag e-mail sa hfc.foncr@dswd.gov.ph ###
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD
#MayPusoAtRamdamAngSerbisyo